Patnubay de Guia
Tagapagsalita
National Democratic Front-Southern Tagalog
Mariing kinukundena ng National Democratic Front-Southern Tagalog (NDF-ST) ang panibagong karahasan at pamamaslang sa isa na namang kaso ng masaker ng rehimen ni Benigno S. Aquino III sa Mindanao. Hanggang sa huling mga linggo ni BS Aquino sa pwesto, hindi ito nagpapaawat sa karahasang inihahasik laban sa mamamayan at inutil itong tugunan ang kanilang mga batayang pangangailangan at karaingan.
Makatwiran at lehitimo ang panawagan ng mga magsasaka at lumad para sa pagkain at kabuhayan. Ilang buwan nang nagtatagal ang tagtuyot bunsod ng penomenong El Niño ngunit inutil ang reaksyunaryong gubyerno na magbigay ng makabuluhang tugon at hakbang para ampatin ang kagutuman at kawalang kabuhayan ng mamamayan. Tinatayang aabot na ng isang bilyon ang nawawala sa sektor ng agrikultura dahil sa tagtuyot.
Nasa mga magsasaka ang lahat ng dahilan para dalhin sa lansangan ang kanilang mga panawagan. May karapatan sila sa bawat sentimo ng pondong nakalaan mula nang ideklara ng probinsya ng North Cotabato ang “state of calamity” noong Enero.
Mapayapa silang nagbarikada para ihatid at iparinig sa nagbibingi-bingihang gubyerno ang kanilang mga hinaing at karapatan. Subalit ano ang kanilang natamo? Karahasan ang itinugon ng reaksyunaryong gubyerno sa kanilang nagugutom na mga sikmura. Sa kahilinging bigas, punglo ang isinagot sa kanila.
Kinukundena ng mamamayan ng Timog Katagalugan ang kalihim ng Department of Agriculture na si Proceso Alcala sa kainutilan ng kanyang ahensya na tugunan ang matagal nang idinadaing ng mga magsasaka na tulong at suporta sa sektor ng agrikultura. Tulad ni Aquino, dapat managot si Alcala sa kanyang kapabayaan.
Dapat ding managot ang gubyerno ni BS Aquino sa kawalang malasakit, pagpapabaya at krimen nito sa mamamayan. Inutil na nga itong tugunan ang kanilang mga batayang pangangailangan, higit pa itong naging inutil dahil karahasan ang kanyang isinagot sa panawagan para sa pagkain at kabuhayan ng mamamayang ilang buwan nang iginagapang ang kanilang pang-araw-araw na buhay.
Pinagkadalubhasaan na ni BS Aquino ang pagiging bingi at pagpapabaya sa mga batayang pangangailangan ng mamamayang tinamaan ng iba’t ibang kalamidad. Ibinabalik sa ating alaala ang kalunus-lunos na kalagayan ng mamamayang tinamaan ng bagyong Yolanda, Glenda at Pablo. Hindi rin malilimutan ang napakabagal na tugon sa mga biktima ng lindol sa Bohol.
Pinagkadalubhasaan rin ng pamilyang Cojuangco-Aquino ang paghahasik ng karahasan sa mamamayan. Ipinapaalaala sa atin ng masaker sa Kidapawan City ang Mendiola Massacre noong Enero 22, 1987, halos isang taon matapos iluklok ng EDSA People Power si Corazon Cojuangco-Aquino bilang presidente ng Gubyerno ng Pilipinas kung saan 13 magsasaka ang namatay. Ipinapaalala nito sa atin ang mga magbubukid ng Hacienda Luisita na walang habas na pinagbabaril noong Nobyembre 14, 2004 kung saan pito ang namatay. Ipinapaalala rin nito sa atin ang paparaming bilang ng masaker sa mga pamayanang Lumad sa ilalim ng Oplan Bayanihan ni BS Aquino, pinakamarami sa nagdaang mga rehimen.
Taos-pusong nakikiramay ang NDF-ST sa mga kaanak at kaibigan ng mga pinaslang sa masaker sa Kidapawan City. Nananawagan ang NDF-ST sa mamamayan ng Timog Katagalugan na suportahan ang pakikibaka ng mga magsasaka sa North Cotabato. Hindi titigil ang mamamayang Pilipino hangga’t hindi napapanagot si BS Aquino at lahat ng may kriminal na pananagutan sa sambayanan.
Nakailang palit na ng mukha ang reaksyunaryong gubyerno subalit hindi pa rin naigagawad ang hustisya sa mga biktima ng mga nagdaang masaker. Nakailang palit na ang mga rehimen subalit nagpapatuloy pa rin ang suliranin ng mga magsasaka na mas lumulubha kapag may mga tumatamang kalamidad sa bansa tulad ng tagtuyot. Sa harap ng ganitong kalagayan, higit na makatwirang isulong ang rebolusyon para pabagsakin ang isang inutil na gubyerno at itayo ang gubyernong kumakalinga sa mamamayan nito. ###