Sa Unang Taon ng Pagkamartir nina Ka Reb at Ka Alex at ang Di-Matitinag na Panata ng Kabataang Rebolusyonaryo

Sa unang anibersaryo ng pagkamartir ng Tuy 3, na kilala bilang sila Ka Reb, Ka Alex at si Ka George, nagbibigay ng pinakamataas na pulang saludo ang Kabataang Makabayan balangay Cristina Catalla sa lahat ng mga kabataang rebolusyonaryo bilang mga bayani ng sambayanang inaapi! Sa kanilang biglaang paglisan, lalong nagniningas ang puso ng rebolusyonaryong kilusan at ang diwa ng libo-libong kabataang unti-unting namumulat sa bangungot ng kasalukuyang sistema pinaghaharian ng imperialismo, pyudalismo, burukrata kapitalismo. Ang kanilang pagkamatay ay hindi nagtakda ng katapusan, bagkus panibagong simula para sa panibagong hanay ng mga kabataang rebolusyonaryo. Sa kanilang unang taon ng pagkamatay, muling isinusulat ng rebolusyon ang kanilang mga pangalan hindi sa lapida ng pamamaalam, kundi sa pahina ng kasaysayang nililikha ng masa bilang mga anak ng bayan na walang pag-aalinlangang iniwan ang komportableng buhay upang yakapin ang landas ng pakikibaka, buhay man ang ialay.

Si Ka Reb, ay ipinanganak noong Marso 8, 2003 sa Bacoor, Cavite, sa isang pamilyang nakatuntong sa gitnang uri. Sa kabila ng maginhawang kalagayan, maaga siyang nakaranas ng kalituhan at pagkadismaya sa hungkag at kolonyal na sistema ng edukasyon. Nag-aral siya sa isang pribadong paaralan sa lungsod, kung saan una niyang natuklasan ang talento sa sining ang pagtula, pag-arte, at pagsusulat na agad niyang ginamit bilang espasyo ng protesta. Sa panahong naghihigpit ang estado sa mga mamamayan sa ngalan ng lockdown at “disiplina,” sa panahon ng de-facto martial law ng tiranikong rehimen ni Duterte, si Ka Reb ay nagpasyang hindi magpakulong sa apat na sulok ng silid-aralan. Tumigil siya sa pormal na edukasyon habang nasa Grade 11 at tumungo sa mas mataas na antas ng pagkatuto sa piling ng masang anakpawis, sa piling ng mga magsasaka’t manggagawa ng kanayunan. Isa siyang produkto ng Kabataang Makabayan Balangay Cristina Catalla, kung saan siya naging kalihim sa edukasyon, at kasabay nito ay matiyagang pinag-aralan ang mga aral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Taong 2022, siya’y tumungo sa kanayunan at naging ganap na kasapi ng Bagong Hukbong Bayan, kung saan ginampanan niya ang papel ng opisyal sa lohistika, instruktor sa mga araling pampartido, at aktibong kalahok sa gawaing masa at pagpapalawak sa Batangas.

Samantala, si Ka Alex, ay ipinanganak noong Setyembre 10, 2002 sa Quezon City at lumaki sa Dasmariñas, Cavite, sa isang pamilyang masasabing may kaginhawaan sa buhay. Lumaki siyang masayahin, mahilig sa musika at sining, at malapit sa komunidad. Ngunit ang ligayang ito’y unti-unting kinuyom ng karahasang isinalaksak ng estado ang madugong gyera kontra droga, ang pagsirit ng kahirapan, at ang kawalang-pakialam ng gobyerno sa mga kabataang tulad niya. Sa halip na manahimik, pinanday niya ang tapang sa gitna ng panunupil. Nagpasyang tumigil sa Senior High upang buong-panahong ialay ang sarili sa kilusang masa. Bilang kasapi rin ng KM Balangay Cristina Catalla, naging kagawad siya sa kultura at propaganda, kung saan ginamit niya ang talento sa rap, pagtugtog ng gitara, at pag-awit upang mulatin ang mga kabataan at magsaka sa mga komunidad. Sa kanyang mga kanta, itinampok niya ang hirap ng masa at ang panawagan ng paglaban. Noong Disyembre 2022, siya’y ganap na tumungo sa kanayunan at naging bahagi ng Bagong Hukbong Bayan. Dito, ginampanan niya ang papel ng kagawad sa seguridad, tagapagsanay sa edukasyon at sining, at aktibong tagapagtulak ng propaganda sa mga hanay ng magtutubo sa Batangas. Kahit dumaan sa maselang kondisyon sa kalusugan, kidney stones na nagbunga ng pansamantalang paghinto sa gawain, bumalik siya, bitbit ang panibagong sigla’t panata sa rebolusyon.

Ang kanilang buhay ay malinaw na patunay, ang kabataan ay hindi lamang naghahanap ng sagot sa mga tanong ng lipunan handa rin silang maging sagot. Sina Ka Reb at Ka Alex ay hindi naging rebolusyonaryo dahil sa bugso ng damdamin. Naging rebolusyonaryo sila dahil sa pagsusuri, dahil sa pagkilatis sa lipunang hinahayaang magutom ang anakpawis, sa gobyernong nagpapakasasa sa korapsyon habang dinudurog ang mga nag-aaklas. Sa harap ng ganitong kalagayan, nakita nila na walang ibang tunay na landas kundi ang armadong rebolusyon. Sa kanayunan, nakita nila ang sambayanang lumalaban, at doon nila ibinuhos ang kanilang lakas, talino, at sining. Pinili nilang maging kasangkapan ng masa, hindi tagamasid ng kasaysayan kundi aktibong tagahubog nito.

At ngayon, isang taon mula nang sila’y pumanaw, hindi na lang sila sina Ka Reb at Ka Alex. Sila ay naging mukha ng libo-libong kabataang sumisibol sa hanay ng mga organisasyon, kolektiba, paaralan, komunidad, at barikada. Sila ang alingawngaw ng tula sa gitna ng bungkalan, ang himig ng awit sa mga palihan, ang dagundong ng hakbang sa mga lansangan at bundok. Ang kanilang kamatayan ay hindi tagumpay ng kaaway, kundi panibagong yugto sa paglawak at paglalim ng rebolusyon. Sapagkat habang may imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo, patuloy na may kabataang hihiwalay sa ilusyon ng reporma, at tatahak sa landas ng digmang bayan.

Ang rebolusyon ay parang kanta—hindi natatapos sa huling nota. At sina Ka Reb at Ka Alex ay hindi natapos sa huling hininga. Sila ay nagpapatuloy sa bawat kabataang humahawak ng pulang bandila. Sa bawat taludtod ng kanilang buhay, sa bawat awit ng kanilang panata, muling inaawit ng kabataan ang rebolusyon.

Source link