Sa pag-aaral na nilunsad ng United Nations Population Fund Population and Development na “Longitudinal Cohort Study on the Filipino Child,” napag-alaman na nasa 52% sa kabataang kababaihan na nasa edad 16-anyos ay tumitigil sa pag-aaral dahil sa maagang pagbubuntis o pag-aasawa.
Samantala, tumitigil sa pag-aaral ang kabataang kalalakihan na nasa grade 6,9 at 10, pangunahin dahil sa kawalan ng interes sa pag-aaral, pangangailangang maghanap ng trabaho at kawalan ng badyet para makapag-aral.
Ayon sa pag-aaral, karaniwang nabubuntis ang kabataang kababaihan sa edad na 15-16 anyos, at mas nanganganib na maaga tumigil sa pag-aaral kung sila ay mula sa mahirap na pamilya at may ina na mababa ang pinag-aaralan. Ang kabataang kababaihan na nabubuntis nang wala sa plano ay nagmumula sa pamilya na walang regular na kita, kung kaya’t wala silang akses sa angkop na edukasyon at bulnerable sa maling impormasyon.
Ang usapin ng maagang pagbubuntis o pag-aasawa ng batang kababaihan ay seryosong usapin na matagal ng binabalewala at hindi tinutugunan ng mga nagdaang administrasyon, ayon sa Gabriela Youth, grupo ng kabataang kababaihan.
Anito, sa isang pyudal-patriyarkal na lipunan, itinalaga ang kababaihan bilang mayor na tagapangalaga ng mga bata. Sa kanitong kaayusan, ang kabataang nabubuntis nang maaga ay inaasahan na mas pangunahin na niyang pagtutuunan ng pansin ang pag-aalaga ng anak at sekundaryo na lamang ang pagpapatuloy sa kanyang pag-aaral.
“Nalalantad din ang mga kabataan sa dekadenteng kultura mula sa kanluran kung saan ang pakikipagtalik diumanoy ay isang malayang ekspresyon ng pagmamahal ngunit hindi pinapaliwanag ang kahalahan ng ‘safe sex’. Kung kaya ay mahalaga nag edukasyon hinggil sa comprehensive sexual and reproductive health and rights habang bata pa,” paliwanag ng Gabriela Youth.
Sa datos ng Philippines Statistics Authority (PSA), 99.3% ng kakabaihang nasa edad na 9-14 anyos nanabuntis ay may mga ‘partner’ na 15 taon o mas mataas pa, na mas matanda sa kanila. Ang ganitong relasyon ay tinatawag na “grooming” at karaniwang nangyayari sa mga mahihirap na komunidad sa lunsod at sa kanayanun.
“Habang tumitindi ang kahirapan sa mga komunidad, mas kumakapit ang kabataang kababaihan sa mga nagbibigay sa kanilang pangako ng magandang buhay upang makatakas sa kagutuman. Karaniwan ang mga ito ay nasa 10 taon na mas matanda sa kabataang kababaihan,” ayon sa Gabriela Youth.
May mabigat na pananagutan ang estado sa pagdami ng kaso ng maagang pagbubuntis ng kabataan dahil sa paglaan nito ng mababang badyet sa mahahalang pampublikong serbisyo tulad sa kalusugan at edukasyon, kumpara sa malaking nilalaan na badyet para sa intelligence funds.
“Dapat magbigay ang gubyerno ng kalidad na edukasyon, akses sa batayang sosyal na serbisyo at regular na trabaho na may nakabubuhay na sahod sa kababaihan upang masolusyonan ang problema sa pagdami ng maagang pagbubuntis ng kababaihan,” panawagan ng Gabriela Youth.