Ang Bayan Ngayon » 16-anyos na estudyante, pinatay ng 63rd IB sa Eastern Samar

Hustisya ang sigaw at panawagan ng pamilya at mga kaanak ng 16-anyos na si Jayson Grafil Padullo na pinaslang ng 63rd IB sa walang patumanggang pamamaril noong Hunyo 15 sa Sityo Bagong Barrio, Barangay Pinanag-an, Borongan City, Eastern Samar. Tulad sa karaniwang modus, pinalalabas ng militar na myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang binatilyo.

Mahigpit na pinatunayan ng mga ka-barangay ni Jayson sa Barangay Benowangan na siya ay isang sibilyan. Anila, kaka-enrol lamang niya sa Grade 7 at nakatakda siyang pumasok ngayong Hunyo. Nagsalita rin ang kanyang tiyuhin na isang vlogger sa Facebook laban sa walang-awang pagpatay ng mga sundalo sa kanyang pamangkin.

Ayon sa nakalap na ulat ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Eastern Visayas (PKM-EV), nasa bukid sa labas ng sityo ang biktima kasama ang isa pang kabataan nang paputukan ng mga nag-ooperasyong sundalo. Namatay si Jason sa mga tama ng bala samantalang nakatakbo at nakaligtas ang kanyang kasama.

Sa kabila ng malawakang panawagan sa social media, ipinagkikibit-balikat ng pamunuan ng 63rd IB at 8th ID ang reklamo at panawagan ng pamilya. “Ito ay garapalang naghuhugas-kamay at tila walang pananagutan sa walang-habas na pamamaril ng kanilang mga tropa sa kabataang sibilyan,” ayon sa PKM-EV.

Anang grupo ng magbubukid, lalong pinatutunayan ng trahedyang ang matagal nang kalakaran ng pasistang 8th ID sa rehiyon na pagtarget sa mga sibilyang magsasaka sa kondukta ng mga operasyon nito sa kanayunan. “Bago tumungo sa bukid sina Jayson, nagpaalam pa muna sila sa mga tropang [naglulunsad ng Retooled Community Support Program] na nakakampo sa Bagong Barrio, bilang pagsunod sa pasistang pagkontrol sa kanilang baryo. Sa kabila nito, pinagbabaril pa rin sila,” ayon sa grupo.

Kaugnay ng krimen, nanawagan ng imbestigasyon at pananagutan ang Children’s Rehabilitation Center. Anang grupo, dapat kundenahin ang pagpaslang kay Padullo at iba pang mga batang biktima ng paglabag sa karapatang-tao ng pwersang militar ng gubyerno. Hinimok ng grupo ang Commission on Human Rights na kaagad magsagawa ng komprehensibong imbestigasyon at para tulungan ang pamilya.

Si Padullo ang ika-pitong magsasakang biktima ng pagpaslang ng mga pwersa ng estado sa Eastern Visayas sa nagdaang taon. Lahat ng mga biktima ng pagpaslang ng 8th ID ay walang-batayang pinaratangang mga Pulang mandirigma para takasan ang kriminal na pananagutan.

Source link