Sampal kay Marcos ang ulat ng UN—CPP

“Malutong na sampal sa rehimeng Marcos, AFP at laluna sa NTF-Elcac.” Ganito inilarawan ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang kamakailang ulat ni UN Special Rapporteur Irene Khan, gayundin ni UN Special Rapporteur Morris Tidball-Binz at ng Philippine UPR (Universal Periodic Review) Watch, na inihapag sa UN Human Rights Council nitong Hunyo.

“Kahit sa labas ng bansa, lantad ang pagsisinungaling ng rehimen at mga galamay nito kaugnay sa kalagayan ng mga karapatang-tao sa Pilipinas,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng CPP. “Kung may kaunti pang kahihiyan si Marcos sa harap ng internasyunal na komunidad, bubuwagin na niya ang NTF-Elcac.”

“Patunay ang ulat at rekomendasyon ng mga UN special rapporteurs na bantog na bantog ang NTF-Elcac sa internasyunal na komunidad bilang isang malaking banta sa pundamental na mga karapatan ng mamamayan,” dagdag ni Valbuena.

Ani Valbuena, “Nagmamatigas si Marcos na panatilihin ang NTF-Elcac sa kanyang pasistang hangarin na patindihin pa ang pampulitikang panunupil sa imbing layuning gapiin ang pakikibaka ng mamamayan para ipagtanggol ang kanilang kapakanan at ipaglaban ang kanilang mga hangarin.”

Malaking salot sa mamamayan ang NTF-Elcac. Katuwang ang AFP, isinasagawa nito ang malawakan at brutal na panunupil sa buu-buong komunidad sa ngalan ng “kapayapaan” at “istabilidad.”

Nitong Hunyo lamang, sunud-sunod ang pagpatay ng AFP sa mga sibilyan na tumangging pumaloob sa huwad na programang E-CLIP sa Northern Samar at Negros. Isa ring bata ang pinatay ng nag-ooperasyong sundalo sa Borongan, Samar.

“Sina Noel Lebico Sr, Arnel Aquino at Nonoy Norcio, gayundin si Junjun Binoy, ay pawang mga ordinaryong magsasaka na pinatay sa gawa-gawang mga engkwentro at inakusahang mga Pulang mandirigma,” ayon kay Valbuena.

“Wala ring dahilan para patayin nila si Jason Grafil Padullo, na isang estudyante ng Grade 7. Kriminal at labag ang pagpatay sa kanila sa internasyunal na mga batas.”

Source link