Nagprotesta ang mga guro sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa Mendiola sa Maynila noong Hunyo 16 bilang pagsalubong sa unang araw ng klase. Binatikos nila ang rehimeng Marcos sa pamalagiang pagsasantabi ng gubyerno sa kalunus-lunos na kalagayan ng edukasyon sa bansa.
Ayon sa ACT Philippines, ang pagpapabaya na ito ng gubyerno ay nagbubunga ng higit pang pagbagsak sa kalidad ng edukasyon at lumulubhang kalagayan ng mga paaralan. “Sasabak na naman tayo sa isang taong panuruan sa ilalim ng sistema ng edukasyon na kulang na kulang ang pondo kaya’t nag-uumapaw ang mga kakulangan at pababa nang pababa ang kalidad,” pahayag ni Vladimer Quetua, tagapangulo ng grupo.
Aniya, taun-taon na lang ay ipinapasa sa mga guro ang responsibilidad para punan ang maraming kakulangan sa mga eskwela mula sa paglilinis at pagkukumpuni ng mga klasrum hanggang sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral. “Tayo ang pumapasan ng matinding epekto ng sistemikong kapabayaan na ito, at ang protesta ngayon ay ang ating panawagan sa pamahalaan na sa wakas ay akuin na ang mas mabigat na responsibilidad na tungkulin nito sa mga mag-aaral at guro sa Pilipinas,” ayon pa kay Quetua.
Sa kasalukuyan, kumakaharap ang Pilipinas sa kakulangan sa 165,000 mga klasrum. Dahil dito, natutulak ang mga eskwelahan na magpatupad ng dalawa hanggang tatlong shift o palitan ng klase para lamang makapag-aral ang mga estudyante.
Nagdudulot rin ito ng paglulunsad ng mga klase sa tagpi-tagping mga klasrum, sa ilalim ng puno at pamalagiang pagpapatupad sa “blended learning” na nakakaapekto sa kalidad ng pagkatuto ng mga estudyante. Sa kasalukuyang pagpopondo sa edukasyon ng gubyerno, tinatayang aabutin ng 30 hanggang 55 taon bago pa mapunan ang malaking kakulangan sa klasrum.
Liban dito, naitala rin ng Department of Education (DepEd) ang kakulangan sa halos 56,000 mga guro sa buong bansa. Gayunman, ipinagpapalagay ng ACT Philippines na kakailanganin ng 150,000 mga guro para maabot ang pangaigdigang pamantayan na class size o dami ng estudyante sa kada klase na 35 estudyante.
Dati nang nanawagan ang ACT Philippines sa gubyerno ng Pilipnas na bumuo ng isang pangmatagalang plano para tugunan ang krisis sa edukasyon. “Hindi pinakinggan ang mga panawagang ito, isinantabi bilang hindi makatotohanan at imposible, habang milyun-milyon ang nilustay sa confidential and intelligence funds,” ayon kay Quetua.
Bilang simbolikong pagpapakita sa kalagayan ng edukasyon sa bansa, nagdala ng mga upuan at nagpakita ng isang klasrum ang mga guro at magulang sa protesta sa Mendiola. Dala-dala nila ang mga kagamitan sa pagkatuto at panlinis para ipakita na ang mga guro at magulang ang pinahihirapan ng kapabayaan ng gubyerno.
Sa araw na iyon, kasabay na inilunsad ng mga lider ng ACT Philippines, mga unyon sa ilalim nito at ng mga kinatawan ng ACT Teachers Party-list ang kanilang Bisita Eskwela sa National Capital Region. Nag-ikot sila sa mga paaralan para kumustahin ang mga guro, pakinggan ang kanilang mga hinaing at makiisa sa kanilang dinaranas na hirap at pagsubok.
Samantala, pinuna ng ACT Philippines ang lumitaw na mga ulat na pinagbawalan ng mga upisyal ng DepEd na magsalita at makipanayam sa midya para pigilan silang isiwalat ang mga usapin at isyu sa unang araw ng klase. Ayon sa grupo, matutugunan lamang ang krisis sa edukasyon sa bansa kung kikilalanin ito ng gubyerno, sa halip na pagtakpan at itago.