Ang mga tirada ni Paolo “Pulong” Duterte, kinatawan ng unang distrito ng Davao City, laban sa Bagong Hukbong Bayan at mga nagbebenta ng droga ay isa lamang tabing upang ilihis ang mamamayan sa tunay na isyu na kinakaharap ng mga Dabawenyo. Ito ang pahayag ng Anakabayan-Southern Mindanao Region (SMR) hinggil sa panawagan ni Duterte sa mga biktima ng droga at BHB na “magsalita na” laban sa kanila.
“Sa halip na unahin ni Pulong ang mga isyu sa ekonomya na kinakaharap ng mga Dabawenyo, pinagtatakpan niya ang mga ito ng mga kasinungalingan at panlilinlang. Hindi NPA ang isyu, ang tunay na isyu para sa mamamayan ay ang grabeng pagbaha, matinding trapiko sa syudad, mga manininda na dinedemolis, mga drayber ng PUV na mawawalan ng kabuhayan dahil sa Davao Bus Project, at hindi nakabubuhay na sahod,” ayon kay Fauzhea Guiani, pangkalahatang kalihim ng Anakbayan-SMR.
Hanggang sa ngayon, kibit-balikat at patuloy na umiiwas sa pananagutan si Duterte sa mga kontrobersya na imbwelto ang kanyang pamilya, kabilang ang pangungurakot ni Sara Duterte sa ₱612.5 milyong confidential funds, at sarili niyang kaso ng ng pang-aabuso at karahasan sa kababaihan.
Ilan sa mga krimen ni Rodrigo Duterte ang pagpaslang sa 30,000 sa kanyang huwad na gera kontra droga at pagpataw ng 2-taong batas militar sa Mindanao na nagresulta sa 348,081 biktima ng aerial bombing at sapilitang pagpapalayas sa 423,538 katao.
“Ang malaking tanong ngayon ay kung sino talaga ang nanloloko at nagnanakaw ng pera ng taumbayan na para sana sa serbisyo publiko? Sino ang pumapatay sa kinabukasan ng mamamayan?” ayon kay Guiani.
“Kung tunay na pinuprotektahan ni Pulong ang karapatan ng mamamayan, dapat tugunan niya ang ugat ng armadong paglaban dulot ng kawalan ng lupa, kabuhayan, pabahay, edukasyon, at mga karapatan,” hamon ng lider-kabataan.
Tinawag ni Ka Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas, si Duterte bilang kahiya-hiya at puno ng basura ang bunganga.
“Nakasusuklam ang pagpapanggap ni Duterte sa pananawagan niya sa diumano’y mga ‘biktima ng NPA at droga,’ gayong ang ama niya na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nasasakdal sa krimen laban sa sangkatauhan sa libu-libong pinatay sa ipinag-utos nitong “gera sa droga,” ayon kay Valbuena.
Hinikayat ng PKP ang sambayanang Pilipino na “ilantad ang mga kasinungalingan at propaganda ng mga Duterte.” Ani Valbuena, ang paghahari ng pamilyang Duterte ay paghahari ng terorismo, pang-aapi, at pang-aabuso sa kapangyarihan.