Mariing tinutulan ng mga pamilya ng biktima, abugado ng karapatang-tao, at progresibong organisasyon ang apela para sa pansamantalang pagpapalaya sa dating pangulong si Rodrigo Duterte mula sa pagkakakulong sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, The Netherlands. Anila, ang hakbang na ito ay banta sa hustisya para sa libu-libong pinaslang sa ilalim ng “war on drugs” at magpapalakas sa kultura ng kawalang pananagutan sa mga krimen laban sa sangkatauhan.
Naghahalo ang galit, takot, at pangamba ng mga pamilya ng biktima sa balitang ito. Ayon sa pahayag ng Rise Up for Life and for Rights, kinakabahan ang mga pamilya ng biktima sa posibilidad na makalaya ang pangunahing salarin sa pagpaslang sa kanlang mga kamag-anak.
Binigyang-diin nila na mapanganib ang apela dahil maaaring gamitin ito ng kampo ni Duterte para umiwas sa pananagutan at takutin ang mga naghahanap ng hustisya. “Umaasa ang mga pamilya na huwag sanang mangyari ang interim release ni Duterte, dahil nakakatakot kung ito ay mapagbibigyan. Paano na ang halos 10 taon paghahanap ng hustisya kapag nakalaya at kung sakali ay makabalik sa Pilipinas si Duterte?” anila.
“Marami nang hirap ang dinaanan at patuloy na nararanasan ng mga pamilya ng biktima… ang tanging hiling lang naman nila ay hustisya,” ayon kay Deaconess Rubylin G. Litao, coordinator ng Rise Up.
Samantala, nanawagan ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) sa ICC na huwag pagbigyan ang apela ni Duterte na nakabatay sa umano’y “makataong mga batayan.”
Ayon sa grupo, ang pagsasabing hindi siya flight risk ay hindi totoo, dahil namamayani pa rin ang kanyang network sa pulitika at deka-dekada nang kakayahang umiwas sa pananagutan.
“Ang isang dating pinakamakapangyarihang upisyal ng Pilipinas ay hindi basta-basta nawawalan ng kapangyarihan,” ayon kay Atty. Josalee S. Deinla, Secretary General ng NUPL.
“Ang mga humanitarian consideration ay hindi dapat manaig sa karapatan ng mga biktima na makita ang hustisya hanggang sa katapusan. Ang pasilidad ng ICC, na malayong mas superyor sa mga kulungan sa Pilipinas, ay nakatitiyak na makatao ang pagtrato kay Duterte habang siya ay nakakulong,” ayon sa NUPL.
Binigyang-diin din nila ang konteksto ng kawalang pananagutan sa Pilipinas, lalo na’t kamakailan lamang ay tumanggi ang Senado na dinggin ang impeachment case laban sa anak ni Duterte na si Sara.
“Ang laban para sa pananagutan ng pinakamataas na upisyal sa Pilipinas ay hindi lamang mailap, kundi sistematikong hinaharang,” ayon sa mga abugado.
“Ang pagpapalaya (kay Duterte) mula sa kustodiya sa The Hague ay maghahatid ng nakababahalang mensahe na kahit ang mga akusado ng crimes against humanity at iba pang matataas na krimen ay pwedeng humingi ng espesyal na pagtrato sa korte,” ayon naman sa Bagong Alyansang Makabayan.
“Si Duterte ay isang sinungaling na paulit-ulit na lumalabag sa sarili niyang mga salita kung ito ay pabor sa kanya. Ang kanyang pansamantalang paglaya ay banta sa mga naghahanap ng katotohanan, hustisya, at pananagutan, lalo na sa mga biktima, saksi, at abugado na sangkot sa kanyang kaso,” anito.
Binigyang-diin din ng Bayan na ang pamilyang Duterte ay nananatiling makapangyarihan sa pulitika. Ang kanyang anak ay Bise Presidente at patuloy na naghahari ang kanyang dinastiya sa Davao City.
“Ang pagpapalaya kay Duterte ay magpapalakas sa makinarya ng panlilinlang at panunupil laban sa mga humihingi ng hustisya at pananagutan,” anito.
Sama-samang nananawagan ang mga grupo na tanggihan ng ICC ang apela para sa pansamantalang pagpapalaya ni Duterte at igalang ang karapatan ng mga biktima.
“Walang mabigat na dahilan para bigyan ng espesyal na konsiderasyon ang mismong utak ng mga kalupitan,” giit ni Atty. Deinla ng NUPL.
Para sa mga pamilya ng biktima, malinaw ang mensahe: “Umaasa ang mga pamilya na huwag sanang mangyari ang interim release ni Duterte, dahil nakatatakot kung ito ay mapagbibigyan.”