Magbigkis at labanan ang pagdurusang hatid ng sabwatang US-Marcos II at isulong ang pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo!

Sa pagsapit ng ika-127 taong paggunita sa huwad na kalayaan ng Pilipinas, isinusumpa ng sambayanang Pilipino ang imperyalismong US sa ipinataw nitong paghihirap at pagdurusa sa sambayanang Pilipino. Ang higit isang siglong pangingibabaw nito sa lahat ng aspeto ng lipunang Pilipino ang pinakamalala at pinakamalagim na trahedyang naganap sa kasaysayan ng bansa at nagpapatuloy pa hanggang sa kasalukuyan. Iginapos nito ang mamamayan sa daantaong pagkaapi’t pagkaalipin. Walang habas nitong dinambong ang yaman ng bansa at winasak ang kalikasan upang itayo at imantine ang kanyang kaharian sa tugatog ng monopolyo kapitalismo.

Isang bahagi ng likas at nilikhang yaman na naging pundasyon ng hegemonya ng US ay nagmula sa pawis at dugo ng mga Pilipino. Mula pagpasok ng 1900, pinanatili ng US ang pyudalismo bilang baseng sosyal ng imperyalismo upang isandig at itali ang Pilipinas sa ekonomya ng US. Dahil dito, nananatiling agraryo, atrasado at de-industriyal ang ekonomya ng bansa kaya permanente ang krisis at patuloy na lumolobo ang reserbang hukbo ng lakas-paggawa o yaong wala o kulang sa trabaho. Taun-taong may depisito sa kalakalan at pambansang pondo ang papet na gubyerno na nilulutas sa pamamagitan ng lokal at dayuhang pangungutang kaya naman sa kasalukuyan ay nakalubog na ang bansa sa gabundok na utang.

Para mapanatili ang bulok na kaayusan, itinatag ng US ang papet na estado sa Pilipinas sa tabing ng paggawad ng huwad na kalayaan at itinalaga ang bentador at taksil sa bayan na si Manuel Roxas bilang kauna-unahang papet na presidente. Pinairal nito ang burukrata-kapitalismo bilang pandayan at sanayan ng pinakamatatapat na alagad ng US na humahawak sa kapangyarihan sa papet na estado. Resulta nito, umugat, dumami at nakapagpayaman ang mga dinastiyang pulitikal na hene-henerasyon nang nagpapalit-palitan sa pag-okupa sa mga pusisyon sa iba’t ibang antas ng papet na gubyerno. Sila ang nagpatibay ng iba’t ibang tagibang na kasunduan sa lahat ng larangang panlipunan ng bansa at nagsemento sa kolonyal at malakolonyal na relasyon ng Pilipinas at US.

Dahil hawak sa leeg ng US ang estado sa Pilipinas, otomatikong nasasangkot ang huli sa mga inilulunsad na gera ng US sa kanyang kasaysayan. Noong World War II, naging lunsaran ang Pilipinas ng digmaan sa pagitan ng US at pasistang Japan. Ginamit nito ang tropang Pilipino sa gerang agresyon ng US sa Korea’t Vietnam at binuo ang PhilCag. Ganito rin ang ginawa ng US sa iba pang gerang agresyon nito sa Middle East.

Sa kasalukuyan, kinakaladkad ng US ang Pilipinas sa inter-imperyalistang gerang gusto nitong iputok sa Indo-Pacific. Sa pangunguna ng pasista at utak-pulburang si Donald Trump na presidente ng US, pinaiinit nito ang tensyon sa pagitan nito at ng China gamit ang Pilipinas bilang piyon sa estratehiko nitong planong kubkubin ang China. Samantala, nagsisilbi namang susing alipin at pinakamatapat na tagasunod nito si Marcos II at mga opisyales ng AFP na nagpapahintulot sa lahat ng aktibidad ng US sa kapinsalaan ng pambansang kalayaan, kasarinlan at demokrasya.

Sa kanyang panunungkulan, hinayaan ni Marcos II na gawing tambakan ng mga armas ng US ang Pilipinas, pinalaki tungong 20 ang dating limang base militar ng US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement, at inilunsad ang halos walang-patlang at sumisinsing pagsasanay militar ng US, AFP at iba pang tropa. Wala ring kaabug-abog na pumirma si Marcos II sa mga dagdag pang kasunduan sa US kabilang ang Bilateral Security Guidelines, 1-2-3 Nuclear Agreement at iba pa ganundin sa mga kasunduang militar sa Japan, Australia, at iba pang bansang kaalyado ng US. Anila, kailangan ito upang palakasin ang mutwal na pagdedepensa. Sa lahat ng ito, ngising-buwaya ang mga utak-pulburang opisyal ng US para galitin at buyuin ang China sa inaasam na digmaan.

Tinik sa lalamunan ng US ang mga makabayan at progresibong elemento kaya’t tiniyak nitong papabor sa kanyang interes ang resulta ng nakalipas na reaksyunaryong midterm elections sa bansa. Dinaya ang halalan upang sipain ang lahat ng progresibo at tunay na makabayang mga kandidato at partido mula sa gubyerno. Pinaboran nito ang nagkakailang paksyon sa reaksyunaryong pulitika kapalit ng pagkuha ng kanilang katapatan at pagtitiyak na hindi makapanghimasok ang China sa lokal na pulitika sa Pilipinas. Kapalit nito ang pagsuporta ng lahat ng mga grupong ito sa tuluy-tuloy na mga pagsasanay-militar at wargames, pagpapalaki ng presensyang militar ng US sa bansa at panghihimasok ng US sa mga kontra-rebolusyonaryong pakana ng AFP at rehimeng Marcos. Sa ganitong balangkas pinalabas na “popular” ang partidong Akbayan na malaon nang nagsisilbing makinarya sa propaganda ng US para buuin ang opinyong publiko kontra-China at pabor sa interbensyon ng US.

Nasa interes ng US at ni Marcos II na ganap na alisan ng boses at iitsapwersa ang iba’t ibang grupong progresibo at makabayan para sa imbing layuning gapiin ang pambansa-demokratikong rebolusyonaryong kilusan. Habang inihahanda ang larangan ng paglalabanan sa gera laban sa China, pinupuntirya ng US at mga asong pang-atake nito sa bansa ang lahat ng anyo ng pakikibakang bayan. Pinakikitid nito tungo sa burgis na patriyotismo ang dakilang simulain ng sambayanang Pilipinong na kamtin ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya. Ginagamit nito ang lahat ng pakana para ibulid sa repormismo ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanan at alisan ng kakayahan ang sambayanang Pilipinong tapatan ang kontra-mamamayang atake ng rehimen at imperyalismo.

Subalit sa gitna ng pinakamabangis na atake sumisibol at lumalakas ang pinakamatibay na paglaban ng mamamayan. Sa pinakamahirap at pinakamadilim na yugto ng kasaysayan higit na mas malinaw ang liwanag ng apoy ng paglaban. Sa iba’t ibang dako ng bansa pumuputok ang iba’t ibang pakikibaka para sa lupa, sahod, kabuhayan, karapatan at hustisyang panlipunan. Lumalakas ang sigaw ng paniningil sa rehimeng US-Marcos II at kanyang mga kasapakat at iba pang ahente ng US sa labis na pangangayupapa sa imperyalismong US at pagtataksil sa kalayaan at kasarinlan ng bansa. Sinisingil ang pinakabrutal na pang-aatake laban sa mamamayan tulad ng ginawang pagsasakdal kay Duterte.

Pero hindi basta mabubunot ang saligang ugat ng kahirapan sa bansa sa pamamagitan lamang ng pagpoprotesta at pagkakamit ng reporma. Nangangailangan ito ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas. Habang isinusumpa ang imperyalismong US at mga lokal na kasapakat at ahente nito sa Pilipinas, dapat imulat ng Partido ang malawak na mamamayan hinggil sa ugat ng lahat ng kanilang kahirapan at pagdurusa. Tinatawagan namin ang lahat ng api at pinagsasamantalahang uri at sektor na magbigkis at lumaban para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo na tanging solusyon para makamit ang pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.

Sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan, maitatatag ang isang demokratikong estado ng bayan na ganap na malaya at nagsasarili. Kagyat nitong wawakasan at ipapawalambisa ang lahat ng di-pantay na kasunduang nagtatali sa Pilipinas sa kontrol at mando ng US. Kasabay nito’y maglalaho rin ang gabundok na utang at sa halip, sisingilin ng bagong tatag na gubyerno ang yaman at ari-arian ng Pilipinas na dinambong ng US at iba pang bansa. Kasabay nito, isusulong ang mapayapang paglutas sa sigalot sa West Philippine Sea at igigiit ang soberanong karapatan ng Pilipinas sa teritoryo at karagatang saklaw ng Pilipinas. Para ganap na makatayo sa sarili, hakbang-hakbang na itatatag ang isang planadong ekonomyang nakatuntong sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon tungong sosyalismo. Ito ang magtitiyak ng masagana, makatarungan at malayang kinabukasan ng lipunang Pilipino.

Source link