Mariing pinasisinungalingan at kinukundena ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng mga magsasaka sa Northern Samar ang pahayag ni 8th Infantry Division chief Maj. Gen. Ariel Orio na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan ang tatlong magsasakang minasaker ng kanyang mga pasistang tropa sa Catubig kamakailan.
Sina Noel Lebico Sr ng Barangay Roxas, Catubig; Arnel Aquino ng Barangay Osmeña, Palapag; at Nonoy Norcio ng Barangay Luneta, Gamay ay pawang mga ordinaryong magsasaka. Silang tatlo ay matagal nang target ng brutal na kampanyang pagpapasuko ng pasistang militar. Ang mga baryo at bayang kanilang tinitirahan ay nakapailalim sa di-deklaradong batas militar mula pa noong 2020.
Ang totoo, ordinaryong magsasaka ng kopras si Lebico Sr; dahil lamang laging nasa bukid upang magbanat ng buto ay pinagbintangan na siyang may ugnay sa BHB. Si Aquino naman ay dati nang iligal na hinuli ng 20th IB noong 2017. Ang parehong batalyon ang dalawang beses na nang-istraping sa kanya noong 2020 at 2023.
Kasama ang kanyang mga kampon sa 8th ID, walang kaabog-abog na binabaluktot ni Orio ang katotohanang mga magsasaka ang kanilang pinaslang. Inuulit niya lang ang pasistang kasinungalingan na “nanlaban” o “armado” ang tatlo. Ang totoo, pinatay sila ng mga sundalo dahil itinatakwil nila ang sapilitang pagpapasuko ng 8th ID, na nangangahulugan ng pagtuturo at pagtataksil sa kanilang mga kababaryo. Palibhasa’y hayok na hayok sina Orio na makopo ang “gantimpala” sa “pagnyutralisa” sa mga pinararatangang kasapi ng BHB, kaya estilong Tokhang ang pinaiiral sa kampanyang kontra-insurhensiya.
Labis din naming kinukundena ang paninindak ni Orio sa menor de edad at bunsong anak ni Lebico Sr. Sa gitna ng kanyang pagdadalamhati, kinasangkapan pa nila ito upang siraan ang kanyang amang sila mismo ang pumaslang. Hindi na ito kataka-taka dahil mga sundalo din ang nang-istraping at pumatay sa dalawang menor de edad sa Barangay Roxas noong 2022.
Lubos kaming nakikidalamhati sa mga kamag-anak at kaibigan nina Lebico, Aquino at Norcio. Walang kapantay ang sakit na nadarama ninyo ngayon; tiyak pinalalala pa ito ng mga lasong binubuladas ng militar.
Hinihimok namin kayo at ang mga kapwa naming magsasaka na kundenahin ang masaker sa Catubig at pasinungalingan ang sinasabi ng 8th ID na mga kasapi ng BHB ang mga biktima. Higit kailanman ay kailangan nating magkaisa laban sa paghaharing militar. Hanggang namamayani sila sa ating mga baryo, ang brutal na pamamaslang sa mga kapwa nating magsasaka, mga pahirap na “lockdown” at pagyurak sa ating mga karapatan ay mauulit at mauulit lamang. Sa paglaban ay makakamit natin ang tunay na hustisya para sa mga mahal natin sa buhay na inagaw sa atin ng pasistang militar.
Sa gitna ng tumitinding pasistang terorismo, muli kaming nananawagan sa mga grupo sa karapatang pantao, midya, mga taong-simbahan, mag-aaral at lokal na upisyal na makiisa sa mga magsasaka ng Northern Samar na ilantad ang mga abusong militar at ipanawagan ang pagpapaalis ng mga sundalo sa ating mga baryo. Alamin ang katotohanan sa likod ng mga kasinungalingan ng 8th ID, ipagtanggol at pumanig sa masang inaapi.