Mga baryo sa Northern Samar, ipinailalim sa hamlet at panggigipit ng militar

Ilang araw nang nakapailalim sa hamlet at panggigipit ng militar ang maraming barangay sa iba’t ibang bayan sa Northern Samar. Ipinataw ang hamlet o tinatawag ng militar na “lockdown” simula noong Hunyo 4, kasunod ng sinasabing engkwentro ng Armed Forces of the Philippines sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Hunyo 3.

Binatikos ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Northern Samar ang paghahamlet at iba pang karahasang militar. Anang grupo, matindi ang epekto at perwisyong dulot ng “lockdown” sa kabuhayan at buuhay ng mga komunidad.

Sa ulat ng grupo, lubhang nililimitahan at kontrolado ng mga tropa ng 19th IB, 20th IB, 52nd IB at 74th IB ang paglabas-pasok ng mga magsasaka sa bayan ng Catubig, Las Navas, Gamay, Mapanas at Palapag. Sa ilalim ng hamlet, pinagbabawalang lumabas ng baryo ang mga residente kahit pa sa sariling bukid, katabing baryo, o sa bayan lang sila pupunta.

Pagbabahagi ng PKM-Northern Samar, nililimitahan ng mga sundalo ang lugar at oras ng kanilang kilos kapag lumalabas. Sapilitan din silang pinapipirma sa logbook at hinahalungkat ang lahat ng dala nila, laluna ang mga pagkain.

Ipinataw ang hamlet dahil sa iniulat ng militar na engkwentro ng tropa nito at ng BHB sa Barangay Nagoocan, Catubig. Iniulat ng mga sundalo na mayroon nang naitalang limang patay sa hanay ng Pulang hukbo sa dalawang labanan noong Hunyo 3 at Hunyo 5. Wala pang pahayag ang yunit ng BHB sa prubinsya hinggil sa insidente.

“Hindi makatao kung paanong pinipigilan kaming maghanapbuhay na kakarampot nga ang kinikita namin. Ni hindi namin masamantala ang mataas na presyo ng kopra ngayon, lalo at maraming gastusin dahil sa paparating na pasukan,” pahayag ng PKM-Northern Samar.

Nangangamba rin ang mga residente na maantala ang pagbubukas ng klase sa Hunyo 16 dahil sa malawakang “lockdown” na arbitraryong ipinataw ng militar.

“Tanong namin kay Maj. Gen. Ariel Orio ng 8th ID, hanggang kailan ba ang pahirap na lockdown niyo? Sa sobrang kapraningan ninyo laban sa BHB, kahit kaming mga ordinaryong magsasaka ay ipinapahamak ninyo sa kampanyang kontra-insurhensya,” ayon sa grupo.

Nanawagan ang PKM-Northern Samar na ipatigil na ang lockdown ng mga baryo at palayasin na ang mga sundalong namemeste sa kanilang lugar. Hinimok rin ng grupo ang mga kapwa magsasaka na ilantad ang pahirap na lockdown. “Manawagan tayo sa ating mga upisyal ng barangay, bayan at prubinsya para agad na mapatigil at makabalik tayo sa payapang paghahanapbuhay,” pagtatapos ng grupo.

Samantala, naitala sa bayan ng Palapag ang mga kaso ng paninindak sa mga sibilyan upang piliting “pasukuin” ang mga kaanak nilang pinararatangang kasapi ng BHB. Kamakailan ay naglabas ng bidyo ang 74th IB kung saan ipinakitang nananawagan ang mga kapamilya ng pinagbibintangang kasapi ng hukbong bayan.

Ayon sa ulat, marami sa mga nagbigay ng panayam ay mga residente ng Sityo Canonghan, Barangay Osmeña, at Barangay Capacujan, kapwa sa bayan ng Palapag. Ang dalawang barangay ay ilan lamang sa mga baryong isinailalim sa halos walang patlang na operasyong kombat, sapilitang pagpapasuko at walang-awat na paglabag sa karapatang-tao mula pa noong 2020.

Binatikos ng BHB-Northern Samar (Rodante Urtal Command) ang pakanang pagpapasuko ng 74th IB. Anang yunit, sa paglalabas ng bidyo ay mistulang hinihikayat ng 74th IB ang “bounty hunting” o paglagay ng patong sa ulo sa mga pinararatangan nilang kasapi ng BHB, na tahasang paghihikayat sa ekstrahudisyal na pamamaslang, taliwas sa ipinangangalandakang “due process” ng reaksyunaryong estado.

Source link