Bahay sa Negros Occidental, niransak ng 79th IB

Sapilitang pinasok at niransak ng mga sundalo ng 79th IB ang bahay ng mag-asawang Alejandro at Maricel Villamero sa Sityo Manaysay, Barangay Cambayobo, Calatrava, Negros Occidental noong Mayo 31. Ninakaw ng mga sundalo ang mahigit ₱7,000 pera na matagal na pinag-ipunan ng mag-asawa.

Isinagawa ng mga sundalo ang panloloob alas-8 ng umaga habang wala ang mag-asawa. Nagtatrabaho sa tubuhan ang mag-asawang Villamero nang dumating ang mga berdugo.

Ayon sa ulat, matapos ang insidente ay nag-iwan ng isang “sulat” ang mga sundalo sa bahay. Laman ng sulat ang paratang ng mga sundalo sa mag-asawa bilang mga tagasuporta at nagkakanlong sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Mariin itong pinabulaanan ng mag-asawa.

Noong Hunyo 1, muling bumalik ang mga sundalo at humimpil sa bahay nila. Idinamay rin ng mga ito ang bahay ng mga kaanak ng mga biktima.

Samantala, iniulat ng mga residente ng Barangay Cambayobo na nakita nila sa komunidad ang apat na mga nakadamit sibilyan na mga sundalo ng 79th IB noong Mayo 30. Nasaksihan nilang minamanmanan ng mga ito ang bahay ng isang Polin Lausa para gipitin siya.

Source link