Komite Sentral at Komisyong Militar, Partido Komunista ng Pilipinas
Pambansang Kumand sa Operasyon, Bagong Hukbong Bayan
30 Hunyo 2015 | Nakatindig ang buong Komite Sentral, Komisyong Militar at lahat ng kadre at kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas at ang buong Pambansang Kumand sa Operasyon at lahat ng Pulang kumander at Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) upang buong-higpit na magbigay ng Pulang saludo kay Kasamang Leoncio Pitao, ang pinakamamahal ng sambayanang Pilipino na si Kumander Parago, upisyal sa kumand ng BHB 1st Pulang Bagani Battalion..
Si Kumander Parago, 58, ay nasawi sa labanan noong 27 Hunyo sa Barangay Panyalom, Paquibato District, Davao City. Hanggang sa huling sandali, iniukol niya ang kanyang buong buhay sa paglilingkod sa masang anakpawis at sa pagsusulong ng kanilang rebolusyonaryong pakikibaka.
Kinikilala ng PKP, ng BHB at ng buong rebolusyonaryong kilusan si Kumander Parago bilang bayani ng sambayanang Pilipino. Ang humigit-kumulang apat na dekadang talambuhay ng pakikibaka ni Ka Parago bilang Pulang kumander at mandirigma ay habampanahon nang nakatala sa ginintuang kasaysayan ng rebolusyong Pilipino.
Ang buong sambayanan, laluna ang masang magsasaka at Lumad ng Southern Mindanao, ay nagluluksa sa pagpanaw ni Ka Parago. Si Ka Parago, na malambing na tinatawag na “Tatay” ng mga nakakikilala sa kanya sa Paquibato District, ay walang-maliw ang pagmamahal sa masang anakpawis. Ang determinasyong maglingkod sa interes at kapakanan ng mamamayan ang nagbigay kay Ka Parago ng tapang at lakas para bagtasin ang mahirap na landas ng digmang bayan.
Sa pangunguna ni Kumander Parago at ng kinauukulang mga pamunuan ng Partido at BHB, sintibay ng bakal ang pagkakaisa ng mga Pulang mandirigma at ng masang magsasaka at Lumad sa Paquibato District at buong rehiyon ng Southern Mindanao (SMR). Bunga ng pagkakaisang ito, tumingkad ang pangalan ni Kumander Parago sa maniningning at matataginting na tagumpay ng BHB, kabilang na ang pag-aresto sa mataas na upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Gen. Victor Obillo noong Pebrero 1999 na hinawakan bilang bihag-ng-digma.
Kung ano ang alab ng pagmamahal ni Ka Parago sa masang magsasaka ay iyon naman ang tindi ng galit sa kanya ng mga naghaharing uri at ng kanilang mga pasistang galamay. Dinakip siya noong Nobyembre 1999, isinailalim sa malupit na kundisyon, pinagkaitan ng mga karapatan at halos dalawang taong ikinulong. Nakalaya lamang si Ka Parago noong Agosto 2001 sa harap ng malawakang panawagan para sa kanyang pagpapalaya.
Kaagad na bumalik si Ka Parago sa landas ng armadong pakikibaka. Itinalaga siya sa pamunuan ng BHB-1st Pulang Bagani Company na kumilos sa Paquibato District at mga kanugnog na lugar sa Davao City. Mahigpit na pinagsilbihan ng BHB-PBC ang interes ng masang magsasaka at mga Lumad. Ang talino, tapang at giting ni Kumander Parago ay kabilang sa mga salik sa tuluy-tuloy na pagsulong ng armadong pakikibaka at paglakas ng BHB sa Paquibato, sa SMR, sa buong Mindanao at buong bansa.
Noong Marso 2009, nagpakana ang mga pasistang upisyal ng AFP ng imbing pagdukot, paggahasa at pagpatay kay Rebelyn Pitao, anak na babae ni Ka Parago. Ilang buwan lamang bago nito (Hunyo 2008), pinatay ng mga pasistang elemento ang kapatid ni Ka Parago na si Danilo. Ang mga ito’y pawang tangkang papanghinain ang kanyang rebolusyonaryong determinasyon.
Sa harap ng walang-habas na atake at paniniil sa kanya ng pasistang kaaway, si Kumander Parago ay binigyan ng masisilungan ng masang anakpawis. Sa kanilang munting mga dampa, binigyan siya ng panibagong tatag at lakas na magpatuloy sa paglaban.
Walang-habas ang pasistang pananalasa ng AFP at mga grupo nitong paramilitar laban sa masang magsasaka ng Davao City at iba pang mga lugar sa SMR. Layunin ng AFP na supilin ang armadong paglaban ng masang magsasaka at patahimikin ang kanilang mga sigaw laban sa malalaking mga kumpanyang dayuhang nangangamkam ng kanilang mga lupa para magmina at magtayo ng mga plantasyon.
Walang-hanggan ang poot ng masang magsasaka sa rehimeng US-Aquino at AFP, laluna sa Eastern Command at 10th ID nito. Walang pagsidlan ang kanilang galit sa walang-habas na mga malulupit na operasyong militar at sa pagyurak sa mga karapatang-tao sa nagdaang mga taon.
Sariwang-sariwa pa ang sugat ng Paquibato Massacre nito lamang Hunyo 14 nang walang-habas na pinaulanan ng bala ng mga pasistang tauhan ng 69th Infantry Battalion ang bahay ng pamilyang Seisa na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong magsasaka at pagkasugat ng isang 12-taong gulang na batang babae.
Ang pagpatay kay Kumander Parago ay lalo lamang dumaragdag sa tindi ng galit ng masang magsasaka sa pasistang AFP. Nagkakaisa ang BHB at ang masang magsasaka na dapat paigtingin ang kanilang armadong pakikibaka hindi lamang para parusahan ang mga pasistang nasa likod ng pagpatay kay Kumander Parago kundi lalo’t higit para isulong ang digmang bayan sa buong bansa.
Habang ipinagluluksa ng sambayanang Pilipino ang pagkasawi ni Ka Parago, pinaghahalawan din nila ng inspirasyon ang kanyang buhay ng walang-pag-iimbot na paglilingkod sa masang Pilipino.
Lalong lumalala ang pagdurusa ng sambayanang Pilipino sa pang-aapi at pagsasamantala ng imperyalismong US at ng lokal na naghaharing uri sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Sa pagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, tiyak na lilitaw ang mas marami pang Kumander Parago mula sa hanay ng mga Pulang mandirigma ng BHB.
Pulang saludo kay Kumander Parago!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!