Patuloy na binibigo ng NPA-North Quezon ang focused military operation ng AFP

Eliza ‘Ka Eli’ dela Guerra | Spokesperson | NPA-North Quezon | Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command) | New People’s Army

Muling binigo ng Apolonio Mendoza Command-NPA-North Quezon ang 80th IBPA sa isa na namang labanan noong Abril 23, 2025 ganap na 6:35 ng umaga sa Barangay Tagumpay, Real, Quezon. Aktibong nakapag-depensa ang pulang hukbo, ligtas at organisadong naka-atras ng walang pinsala. Samantalang may isang nasugatan sa panig ng mga bayarang militar.

Mariing kinukundena ng AMC-NPA-NQ ang militarisasyon at paghahasik ng teror ng 202nd Infantry Brigade, 2nd IDPA at mga utusan nitong 80th IB, 85th IB, 16th IB, 83rd, 21st at 22nd Division Reconnaisance Battalion na nanghahalihaw ngayon sa buong lalawigan ng Quezon. Sa loob lamang ng isang linggo ay naganap ang magkakasunod na indiscrimate firing o strafing at mga fake na labanan sa Sitio Ilayang Cogorin, Lopez at sa Sta. Rosa, Lopez. Samantalang sa bahagi ng Timog Quezon sa bayan ng Real ay dalawang linggo na ang focused military operation na nagdudulot ng matinding takot sa mga magsasaka at residente at nagresulta na sa dalawang labanan sa mga NPA na magiting nitong nilabanan.

Kinukundena din ng AMC-NPA-NQ ang paglulustay ng AFP at rehimeng US-Marcos sa pondo ng taong-bayan para lamang sa walang kapararakang mga operasyon na naghahasik ng teror sa mamamayan habang nagugutom at naghihirap ang ating mga kababayan. Nasa dalawang linggo na ang isinasagawang focused military operation ng 80th IB sa mga magkakatabing barangay sa bayan ng Real mula pa noong Abril 11. Matatandaan noon lamang Abril 16 ay nagkaengkwentro na ang dalawang panig. Sa tinagal na ng kanilang operasyon ay bigo silang pinsalaan ang NPA. Bagkus sila-sila na lamang ang nagkakalabanan sa isang misencounter.

Ayon sa mga residente, noong Abril 22 ay nagkaroon diumano ng labanan sa Barangay Llavac at may narining silang mga putukan. Mariing itong pinasusubalian ng AMC-NPA-NQ, walang labanan noon sa pagitan ng NPA at militar. Bagkus nagsasayang lamang ng mga bala ang mersenaryong AFP sa kanilang mga misencounter dahil na rin sa kanilang desperasyon na matugis ang mga NPA.

Ang halos dalawang linggo nang focused military operation ng 80th IBPA, bukod sa paglulustay ito ng pondo ay nagdudulot ng matinding takot sa mamamayan at pagdausdos sa kabuhayan ng mga masang magsasaka at mga residente. Pinagbabawalan silang magtanim, mangahoy at mag- uling sa bundok kung kaya’t dalawang linggo na rin silang gutom. Hirap at gutom na ay minomonitor pa ang mga binibili nilang mga pagkain. Lumilikha ng takot at pangamba ang presensya ng mga nagpapasukan at naglalabasang humigit kumulang lima hanggang anim na truck ng mga militar sa kanilang mga baryo bukod pa ang mga nakapakat sa mga kabundukan at mga nagkalat sa mga checkpoints.

Nais itaboy ng mga militar ang NPA sa Real, Quezon upang pangalagaan ang mga proyekto ng mga amo nilang malalaking burgesya kumprador at burukrata kapitalista. Isa na dito ang dambuhalang Real Wind Energy Project, isang anti-mamamayang proyektong wind energy ng ACEN ng Ayala Corp. na magpapalayas sa libu-libong residente at magsasaka ng Real.Ginagawa nilang tabing ang eleksyon para mabigyan katwiran ang presensya at pagkontrol nila sa mga komunidad na maapektuhan ng malaking proyekto.

Nanawagan ang AMC-NPA-NQ sa lahat ng kandidato ngayong halalan na tunay na maglingkod at pumanig sa interes ng masang inaapi—magsasaka, manggagawa, mala-proletaryado at mga katutubong Dumagat at Remontado at sama-samang ipanawagan ang pagpapalayas sa mga militar na namemerwisyo sa kabuhayan at kapayapaan sa bayan ng Real at sa buong lalawigan ng Quezon. Huwag magpalinlang at magpatakot sa mga itim na propaganda ng AFP at NTF- ELCAC.

Nananawagan din ang AMC-NPA-NQ sa mamamayan ng Real at sa buong Quezon na patuloy na suportahan ang kanilang tunay na hukbo—ang NPA. Nakakapanatili ang inyong hukbo at patuloy na nagtatagumpay dahil na rin sa patuloy ninyong suporta. Sama-sama nating labanan at ipagtagumpay ang pagsusulong ng rebolusyong agraryo at pambansa-demkratikong rebolusyon hanggang sa ganap na tagumpay. Ito ang tunay na solusyon sa malaon ng kahirapan ng ating lipunan at hindi ang eleksyon.

The post Patuloy na binibigo ng NPA-North Quezon ang focused military operation ng AFP appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.