Gannaban Baligod | Spokesperson | Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Cagayan | NDF-Cagayan | NDF-Cagayan Valley | National Democratic Front of the Philippines
Mariing tinututulan at labis na ikinababahala ng mamamayang Cagayano laluna ng masang magsasaka ang pagdagsa ng mga tropa at kagamitang militar ng US sa Cagayan at sa kalapit na isla ng Batanes. Sa kasagsagan ng pakitang-taong humanitarian civic assistance (HCA) ng mga sundalong Amerikano sa mga residente ng Barangay Dagupan, Lal-lo, at konstruksyon ng multi-purpose building sa nasabing bayan, lihim namang ipinasok ng US ang unang bats ng NMESIS (Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System) sa EDCA site sa North Cagayan International Airport sa Lal-lo. May iba pang sasakyan at kagamitan ang US na inilagak sa Barangay San Vicente, Sta Ana, kung nasaan ang isa pang EDCA site.
Bagamat sa Phase 2 pa ng SABAK25 gagawing lunsaran ng digma ang prubinsya, ngayon pa lang ay sunud-sunod na ang pagdating ng mga kagamitang pagdigma at araw-araw na ang paglipad ng mga attack helicopter na nagdudulot ng ligalig sa mamamayan. Mapanganib sa mga Cagayano ang paglalagak ng mga kagamitang pandigma ng US sa lalawigan laluna na ang NMESIS na isang abanteng coastal anti-ship system missile ng US Marine Corps na may kakayahang magpakawala ng misayl sa layong 185 kilometro. Malaki ang posibilidad na maging magnet ito sa mga atake o kontra-atake ng mga bansang kalaban ng US laluna ang China. Kaugnay nito, gagawing daungan ng mga barkong pandigma ng US ang Port Irene sa Casambalangan, Sta Ana kung saan isasakay at ibaba ang mga kagamitamg pandigma samantalang pagdadausan din ang Claveria ng mga amphibious exercises. Magsasagawa naman ng live fire exercises sa Aparri habang ipaparada ang armored vehicles at iba pang military assets ng US sa mga lansangan ng Lal-lo.
Ang unti-unting deployment ng US sa kanilang mga tropa at kagamitang pandigma sa northern Cagayan ay bahagi ng “estratehiya ng pagpigil” na tinukoy ni US Defense Sec Pete Hegseth laban sa gera nito kontra-China. Maaalalang sinundan ito ng utos mula kay AFP Chief of Staff Gen Romeo Brawner sa NOLCOM na “maghanda sa posibleng paglusob sa Taiwan.” Malinaw na ginagawang auxilliary force ng US ang AFP laban sa pang-uupat nito ng gera laban sa China, at proxy war ang katangian ng digmang ito kung saan itinutulak sa tiyak na kapahamakan ang mamamayang Pilipino.
Ngayon pa lamang ay nanganganib nang mawalan ng kabuhayan ang mga mangingisda sa malaking posibilidad na magdeklara ng “no sail zone” sa mga bayan ng coastal Cagayan. Gayundin, mabubulabog ang kabuhayan ng mga magsasaka sa mga bundok at gubat sa aerial exercises ng mga kalahok sa Balikatan, liban pa sa walang puknat na paghalihaw ng mga pwersa ng 5th ID sa kanilang operasyong kombat. Maliban sa abala at pagkasira ng kabuhayan, matindi ang idudulot nitong takot at troma laluna na sa mga kababaihan, bata’t matatanda. Sa paghahatid pa lamang ng mga kagamitan at pwersa sa himpapawid ay binabalot na ng pangamba at kaba ang mamamayang Cagayano.
Hindi nagbubulag-bulagan ang mga Cagayano. Malinaw na paghahanda ito sa inter-imperyalistang gera at hindi simpleng mga pagsasanay, na nangangahulugang kinakaladkad ng US at rehimeng US-Marcos ang mga Pilipino sa digmang walang kapakinabangan sa karaniwang mamamayan. Sukdulan itong kinukundena at tinututulan ng masang magsasaka ng Cagayan.
Ang sumasahol na kahirapan sa bansa ang dapat na pinagtutuunang pansin ng reaksyunaryong gobyerno at hindi ang mas lalo pang pagsasadlak sa mahihirap sa pamamagitan ng pagpapain sa kanila sa gera. Sa harap ng lumalalang karukhaan ng masang anakpawis laluna ng mga manggawa at magsasaka, dapat malakas na itambol ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Kaisa ng malawak na hanay ng magsasaka ang PKM-Cagayan sa paglaban at pagbigo sa gerang proxy na ito.
Kaalinsabay nito ay dapat ilantad at singilin ang sagadsaring pagpapakatuta ng rehimeng US-Marcos Jr sa imperyalismong US. Para sa sariling interes at pampulitikang pabor ay hinahayaan ng rehimen na yurakan ng US ang soberanya ng bansa at itulak ang mamamayang Pilipino sa bingit ng kamatayan. Batbat ng kaipokrituhan ang pag-aasta ni Marcos na may pagpapahalaga siya sa kasarilan ng bansa (kamakailan ay tinawag niyang “hindi paggalang sa soberanya” ang pambu-bully sa mga Pilipino ng isang Russian vlogger) gayong pinahihintulutan niya ang libu-libong sundalong Amerikano na mamalagi sa bansa, manghimasok sa mga panloob ng usapin, gawing lunsaran ng digma ang mga soberanong teritoryo ng Pilipinas, at kawalang pananagutan sa mga krimen nila laban sa mga Pilipino. Marapat lamang itakwil ng tunay na mga patriyotikong sundalo ng sandatahang lakas ang kanilang punong kumander na nagkakanulo sa bansa at nagtutulak sa mga sundalong Pilipino na makipaglaban hindi upang ipagtanggol ang kapakanan ng Pilipinas kundi para maging peon sa inter-imperyalistang gera.
Tatangan ng armas ang mga magsasaka ng Cagayan, hindi para maging pambala ng kanyon ng US laban sa China, kundi upang lumahok sa digmang magsasaka sa kanayunan na maglalansag sa monopolyo sa lupa ng mga panginoong maylupa. Gamit ang ano mang sandata, palalakasin ng magsasaka ang Bagong Hukbong Bayan sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa pamamagitan lamang ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka mapahihina at maibabagsak ang dominasyon ng US sa bansa, makakamit ang tunay na soberanya at pambasang paglaya, gayundin ang demokrasya at hustisyang panlipunan, kabilang na ang karapatan ng mga magsasakang ariin ang lupang sinasaka.
Magsasakang Cagayano, lumahok sa digmang bayan! Sumampa sa BHB!
Biguin ang imperyalistang gera, itaguyod ang ang makatarungang digma!
The post Tunay na reporma sa lupa ang sigaw ng magsasakang Cagayano, hindi militar at kagamitang pandigma ng US! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.