Trinidad Ramirez | Chairperson | Liga ng Agham para sa Bayan (LAB) | National Democratic Front of the Philippines
Bigo ang rehimeng US-Marcos na supilin ang paglaban ng mamamayan at talunin ang armadong pakikibaka sa Pilipinas. Sa ika-56 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) o New People’s Army (NPA), naging marami at matampok ang mga pagdiriwang na isinagawa ng iba’t-ibang rebolusyonaryong organisasyon. Ilan na dito ang mga lightning rally sa University of the Philippines Diliman at sa Polytechnic University of the Philippines-Sta. Mesa Campus kung saan nilahukan ito ng mga kasapi ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB).
Sa tungki ng ilong ng kaaway, hindi napigilan at nabigla ang militar at pulis sa mga ginawang mapangahas na pagdiriwang. Kagyat na bumula ang bibig ng kasinungalingan at nagbunganga ng pananakot ang NTF-ELCAC sa katauhan ni Undersecretary Ernesto Torres Jr. Sinabi ni Torres na ang mga aktibidad daw na ito ay gawain ng mga terorista para manawagan ng dahas laban sa gobyerno. Hindi na rin daw kayang gawin ng mga rebolusyonaryo na magkaroon ng pagkilos sa mga pampublikong lansangan dahil mahina na daw ang suporta ng mga mamamayan sa BHB at rebolusyon. Dagdag pa rito, pa-iimbestigahan nila ang mga iligal na pagkilos na ito at pipigilan ang mga pagkilos ng mga rebolusyonaryo sa kalunsaran.
Una, ang BHB at mga taga-suporta nila ay hindi terorista. Sila ay mga rebolusyonaryo na nananawagan ng rebolusyonaryong dahas ng armadong pakikibaka na nagpapahina sa reaksyunaryong estado. Nilalayon nila kasama ang masa, na magtayo ng isang lipunan na nakatungtong sa demokrasya, kalayaan, katarungan, at kapayapaan.
Pangalawa, ang tunay na terorista ay ang rehimeng US-Marcos, ang armadong aso nito na Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), at ang taga-kahol nitong NTF-ELCAC. Ang mga teroristang ito ang nagpapatupad ng mga mapadambong at makadayuhang patakaran at programa upang palalain ang kahirapan at pagkabusabos ng mga Pilipino. Ang rehimeng US-Marcos ang nagpapatupad ng matataas ng buwis sa mamamayan; nagtatakda ng napakamahal na presyo ng mga bilihin tulad sa bigas, kuryente, at langis; hindi nagbibigay ng trabaho at pinapanatiling busabos ang sweldo ng mga manggagawa; at pinapanatiling atrasado, bansot, at maka-imperyalista ang estado ng agham at teknolohiya sa ating bansa.
Si Presidente Bongbong Marcos, tulad ng nakaraang mga presidente, ang nagpapakatuta sa kagustuhan at interes ng mga dayuhan partikular ng Estados Unidos. Ginagamit nila ang armadong pwersa ng AFP at PNP upang dahasin at patayin ang mga mamamayan. Hindi nga ba ang PNP ang sangkot sa maraming pagpatay sa pekeng War on Drugs ni Duterte? Hindi nga ba ang AFP ang sangkot sa pagpatay sa maraming aktibista at sibilyan, at sila ang nagbobomba sa mga komunidad sa kanayunan at kabundukan? Ang rehimeng US-Marcos ang mga terorista na dapat puksain!
At sa huli, hindi magmamaliw at patuloy na yayabong ang suporta ng mga mamamayan at ng mga rebolusyonaryo sa kalunsuran para sa BHB na siyang tunay na minamahal na Hukbo ng mahihirap at aping masa. Ang BHB ang tunay na naglilingkod para sa kanilang interes at lumalaban sa mga imperyalistang dayuhan upang palayain ang ating bayan.Inamin ng BHB na may mga pag-atras at paghina ang Hukbo at rebolusyonaryong kilusan sa mga nakaraang taon, dahil pangunahin sa sariling kahinaan at pagkakamali. Sa kabila nito, sinabi din nila na ito ay mabilis at masusing winawaksi sa pamamagitan ng kasalukuyang kilusang pagwawasto.
Kaya nga sa kabila ng sinasabing “estratehikong pagkatalo” ng BHB na pinagmamayabang ng AFP at ng NTF-ELCAC, patuloy at dumarami ang mga balita ng mga taktikal na opensiba sa kanayunan at muling paglakas ng mga rebolusyonaryong grupo sa kalunsuran. Ang paglulunsad na matagumpay na lightning rally sa UP, PUP, at mga lasangan sa Maynila ay isa lamang sa mga patunay.
Tulad sa nakaraan, panaginip na gising ang mga pahayag ng NTF-ELCAC at AFP na matatalo at mawawala na ang BHB. Gayundin, kakainin nang buo ang NTF-ELCAC ang kasinungalingan at pagbabanta nito na mapipigilan ang mga selebrasyon at mga gawain ng mga rebolusyonaryo sa kalunsuran. Hangga’t lumalala ang pambubusabos at tumitindi ang pang-aapi ng reaksyunaryong estado, patuloy ang paglakas ng Bagong Hukbong Bayan, ng armadong pakikibaka sa kanayunan, at ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran.