Ipagtanggol ang soberanya! Tropa ng US sa Cagayan, layas!

Celia Corpuz | Spokesperson | NDF-Cagayan | NDF-Cagayan Valley | National Democratic Front of the Philippines

Itinatakwil ng mamamayang Cagayano ang presensya militar ng US sa prubinsya ng Cagayan. Bagamat sa pangalawang yugto pa ng Balikatan (Mayo-Hulyo) nakatakdang gawing lunsaran ng war games ang lalawigan, ngayon pa lang ay namataan na ang kanilang pamalagiang presensya sa prubinsya na binibigyang-matwid sa tabing ng humanitarian civic assistance (HCA) program ng Balikatan.

Nitong ika-7 ng Abril ay pinasinayaan ang konstruksyon ng isang multi-purpose facility sa ilalim ng Engineering Civic Action Program (ENCAP) ng Marine Wing Support Squadron, 74th US Marine Corps sa Dagupan, Lal-lo kung nasaan ang isang “EDCA site.” Sinimulan ito noong Marso 24 na planong tapusin hanggang Mayo 07 at sinundan ng pagsasagawa ng community health engagement (CHE) noong Abril 9. Unti-unti na ring nagpapakat ng mga istruktura sa Cagayan North International Airport, ang EDCA site sa Dagupan, sa sunud-sunod na pagdating ng mga kagamitan at sasakyang pandigma ng US na gagamitin sa Balikatan. Samantala, nitong nakaraang araw lamang ay may ilang sundalong Amerikano na ang nagtungo sa Basco, Batanes upang “makipagkoordina ng lakas” para sa pagsasanay.

Hindi malilinlang ng mga militar ng US ang mga Cagayano sa tunay nilang pakay—ang gawing lunsaran ng digma ang Pilipinas lalo na ang Northern Luzon, itulak sa tiyak na kapahamakan ang buhay, kabuhayan at kaligtasan ng mamamayan, at kaladkarin sa gerang imperyalista ang sambayanang Pilipino. Bago umulan ng bala ay bumabaha muna ng inasukalang bala upang supilin ang paglaban ng mga Cagayano at ikondisyon ang isip ng mamamayan sa pamalagiang pananatili ng mga sundalong Amerikano.

Sa mga nakaraang Balikatan, sa parehong paglulunsad ng ENCAP, nakapagtala ng paglabag ng AFP sa karapatang-tao na kalahok sa nasabing aktibidad. Katulad na lamang ng panggigipit sa isang lider-magsasaka sa Alicia, Isabela noong 2022. Nangyari ito sa kasagsagan ng konstruksyon ng mga sundalong Amerikano at Pilipino sa isang klasrum sa San Francisco, Alicia. Hindi nalalayong may ganitong mga insidente rin sa Mazi, Zinundungan Valley, at Taggat Sur at Pinas sa bayan ng Claveria na kapwa sumailalim sa ENCAP.

Kaugnay nito, ginagamit ang Balikatan sa gera kontra-insurhensiya ng estado na pangunahing tumatarget sa mga sibilyan. Matatandaang nagpakawala ng kanyon mula sa EDCA site sa Lal-lo at naghulog ang militar ng bomba mula sa himpapawid sa kabundukan ng Sta. Teresita noong Abril at Mayo 2023, sa kasagsagan pa rin ng Balikatan, matapos ang engkwentro sa pagitan ng mga berdugo at mga myembro ng BHB-East Cagayan. Noong 2024 naman ay ginimbal din ng sunud-sunod na pambobomba mula sa ere ang bukirin ng Peñablanca habang troma naman ang idinulot ng aerial exercises sa mga residente ng Sto. Niño Faire.

Tinututulan ng mga Cagayano ang planong paglulunsad ng full battle test sa kalupaan, karagataan at himpapawid ng prubinsya na tiyak magdudulot ng teror at ligalig sa mga sibilyang komunidad. Nanganganib ang mamamayan sa posibleng atake o kontra-atake ng mga bansang kalaban ng US lalo na ang China, at higit sa lahat, mariing tinututulan ng mamamayan ng Cagayan ang pagyurak ng mga sundalong Amerikano sa soberanya ng bansa at sagadsaring pagpapakatuta ng rehimeng US-Marcos sa heopulitikal na interes ng imperyalismong US hindi lamang sa Pilipinas kundi sa Indo-Pacific at sa buong daigdig.

Malinaw na panganib laluna sa mga masang Ivatan at Cagayano na malapit sa Taiwan ang direktiba ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner sa NOLCOM na “maghanda sa posibleng paglusob sa Taiwan” laluna’t sa mismong secret memo ng Pentagon ay tinukoy nito na “maghahanda sa gera (ang US) at ipanalo ang gera laban sa China.” Kabalbalan ang argumentong simpleng pagsaklolo lamang ng AFP sa mga OFW ang sinasabing “paghahanda.” Bagkus, ito ay tahasang pakikisangkot ng AFP na maging instrumento o pawn sa pang-uudyok ng US sa Taiwan na humiwalay sa China, bagay na lumalabag sa One China Policy, liban pa sa panloob na usapin ito ng China na hindi na dapat pinakikialaman ng Pilipinas.

Kaisa ang mamamayang Cagayano ng buong sambayanang Pilipino at mamamayan ng daigdig laban sa imperyalistang gera, gerang agresyong at pagyurak sa soberanya ng mga bansa. Dapat buklurin ang malawak na hanay ng mamamayan at itayo ang malapad na nagkakaisang prenteng anti-imperyalista at antipasismo. Ngayon higit kailanman, dapat palakasin ang demokratikong rebolusyong bayan upang biguin proxy war ng US sa Pilipinas laban sa China, at para sa ganap na panlipunang hustisy at paglaya at pagkamit ng pambansang demokrasya.

Mamamayang Cagayano, magkaisa!

Ipagtanggol ang soberanya! Tropa ng US sa Cagayan, layas!

Labanan at biguin ang imperyalistang pang-uupat ng gera!

Lumahok sa digmang bayan!