Matinding kinukundena ng National Democratic Front-Negros (NDF-Negros) ang patraydor at malupit na pagpatay sa mga tauhan ng NDF-Negros na sina Nonoy Ponteras (Ka Jojo) at Marisa Pobresa (Ka Kim).
Noong Marso 7, alas 8 ng gabi, pwersahang dinukot ng mga operatiba ng Crime Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP) at mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sina Ka Jojo at Ka Kim sa isang bahay sa Bacolod City. Pwersahan silang isinakay sa isang van at dinala sa hindi natukoy na lugar, kung saan sila tuluyang sinalbeyds.
Ang bangkay ng dalawa ay dinala ng mga berdugo ni Marcos sa Sityo Paraiso, Barangay Caduhaan, Cadiz City. Kasunod na araw, naghabi ng kasinungalingan ang tagapagsalita ng militar na napatay diumano ang dalawa sa isang engkwentro lagpas ala-una ng umaga sa pagitan ng 79th IB at New People’s Army (NPA).
Ang totoo, walang yunit ng NPA sa lugar at mga oras na iyon. Ang sinasabing engkwentro ay palabas lamang ng militar upang pagtakpan ang napakalalang krimen at paglabag sa internasyunal na makataong batas na pagpatay sa mga hindi armadong sibilyan na nasa kanilang kamay bilang bihag.
Si Ka Jojo at Ka Kim ay mga itinalagang sibilyang tauhan ng National Democratic Front (NDF)-Negros. Si Ka Jojo, 48 taong gulang, ay isa sa nangungunang upisyal ng NDF-Negros. Si Ka Kim, na 23 taong gulang noong kaarawan niya noong Marso 7, ay isa sa tagapangasiwa ng panrehiyong tanggapan ng NDF-Negros. Kapwa sila nagmula sa hanay ng mga Pulang mandirigma ng NPA.
Kabilang sa tungkulin nila ang makipagkonsultasyon sa mga manggagawa, magsasaka, manggagawang-bukid, at iba’t ibang maralita at aping sektor sa isla upang tulungan silang bigyang-boses ang kanilang mga daing at isulong ang kanilang mga pakikibaka.
Ang traydor na pagpaslang kay Ka Jojo at Ka Kim ay bahagi ng nagpapatuloy na madugo at malupit na kampanya ng panunupil ng rehimeng US-Marcos sa isla ng Negros at sa buong bansa.
Napakahaba na ng talaan ng pang-aabuso ng rehimen sa malawak na mamamayan at mga kasapi ng rebolusyonaryong kilusan. Sa halip na harapin ang NDFP sa usapang pangkapayapaan para hanapan ng lunas ang ugat ng armadong sigalot sa bansa, pinipili ni Marcos na pakawalan ang kanyang mga pasistang asong-ulol sa kanayunan at kalunsuran upang sibasibin ang mamamayan na nagtataguyod at nakikibaka para sa kanilang karapatan para sa tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon.
Ipinaalala ng NDF-Negros sa rehimeng US-Marcos na gaanupaman kalupit, mabibigo ang pasismo ng estado na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan. Hangga’t hindi nilulutas ang problema ng kahirapan, kagutuman, pang-aapi at pagsasamantala, babangon at babangon ang mamamayan at babagtasin ang landas ng armadong paglaban. Sa mahigit 50 taong pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan, hindi ito nawasak ng kahit na sinong papet na rehimen kahit na napaka-sopistikado pa ang dinesenyong kontra insurhensyang kampanya ng kanyang among imperyalismong US gamit ang malalakas at modernong armas.
Sa halip na mawasak ang rebolusyonaryong kilusan, ilang presidente ng reaksyunaryong estado na higit ang kalapasan ng pagnakaw sa kaban ng bayan, pandarambong at pagsupil sa demokratikong karapatan ng mamamayan ang pinatalsik sa poder at ikinulong ng malawak na mamamayan na kanilang biktima. Katulad ito ng nangyari ngayon kay dating Presidente Rodrigo Duterte na inaresto ng International Criminal Court (ICC), at dating presidente Marcos Sr, Joseph ‘Erap’ Estrada at Gloria Macapagal Arroyo.
Hanggat hindi maresolba ang krisis sosyo-ekonomiko na siyang nagdudulot ng hindi masawata na paghihirap at kagutuman sa malawak na mamamayan, patuloy na iiral at susulong ang armadong pakikibaka sa bansa. Ang binhi ng rebolusyon na inihasik sa matabang lupa sa kanayunan at kalunsuran patuloy na yayabong at kakalat sa buong bansa. Marami pang Ka Jojo at Ka Kim ang sisibol hanggat hindi sinsero at seryoso na makigpag-usap sa NDF ang GRP.