Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma) | National Democratic Front of the Philippines
Mariing kinokondena ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KGM) ang marahas na pagpatay sa sampung miyembro ng Bagong Hukbong Bayan sa Gitnang Luzon sa ilalim ng Josepino Luzon Command sa Pantabangan, Nueva Ecija. Ang nangyaring ilang araw na habulan dulot ng focused military operations mula sa Aurora, Nueva Vizcaya hanggang Nueva Ecija ay overkill laban sa mga rebolusyonaryo na ipinaglalaban lamang ang kalayaan at kasarinlan ng ating bayan. Matapos mamatay sa engkwentro ay ipinarada ang katawan ng mga rebolusyonaryo bilang tropeyo para pagpiyestahan ng mga bayarang trolls at para maghasik ng takot sa mamamayan sa erya. Ang isa sa mga bangkay ay nakapiring pa ang mata, hindi ito pangkaraniwan dahil kung nakapiring ito, wala na itong kakayahan lumaban at kung gayon ay hindi dapat ito napaslang sa labanan. Hindi kaila sa lahat ang talamak na paglabag ng mersenaryong AFP sa International Humanitarian Law.
Ang paglabag na ito ay repleksyon lamang kung gaano ka-berdugo at pasista ang naghaharing rehimen sa bansa. Maraming beses nang naitala ang pambobomba sa mga baryo sa kanayunan; paghahamlet o pagkukural sa mga komunidad para kontrolin ang kilos ng taumbaryo upang magbigay daan sa mga proyekto ng mina, dam at iba pang agresyon; matinding militarisasyon sa kanayunan ang nagaganap sa kasalukuyan sa porma ng pagbloke ng pagkain, curfew, pagbabawal na magtrabaho sa kanilang bukid na nagdudulot ng gutom sa kanilang pamilya, paglilista sa logbook at pagpapasurender.
Ang Gitnang Luzon ang isa sa malaking prodyuser ng bigas sa bansa. Nasa 20% ang ambag nito sa pangangailangan ng bansa. Sa kabila nito ay hindi nakaranas ng kaginhawaan ang mga magsasaka sa lugar dahil na rin sa sistemang hacienda. Sa rehiyon na ito matatagpuan ang mga hacienda tulad ng Hacienda Tinang at Hacienda Luisita na kilala sa pagsasamantala sa mga magsasaka. Pagkaupong-pagkaupo pa lamang ni Bongbong Marcos ay nagdeklara na ito ng muling rekonsentrasyon ng lupain sa Hacienda Luisita nang bawiin nito ang nauna nang pagdedeklara ng DAR na ipamahagi ang 358 ektarya para sa mga magsasaka. Bahagi rin ang Bulacan sa proyektong reklamasyon ng Manilay Bay kung saan magpapatayo ng dambuhalang aerotropolis sa lugar na pawang magdudulot ng matinding pagbaha at pagkasira ng kalikasan ng lugar at kalapit lugar nito. Maaalala na ito ang dahilan ng mga militar sa pagdukot sa dalawang kabataang aktibista na sina Jed at Jonila. Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga partikular na pagsasamantala sa mga magsasaka sa rehiyon at marami pang maitatala kaugnay ng danas ng mga katutubo, manggagawa at maralitang tagalunsod sa lugar.
Ang overkill na pagpatay sa mga hukbo ay nagpapakita ng takot ng estado sa mga rebolusyonaryo. Ang hindi maunawaan ng papet na estado na ito ay hindi matitigil ang rebolusyon kung patuloy na walang kakayahang magpasya para sa sarili ang mamamayan laban sa kolonyalismo’t imperyalismo at kung patuloy na mananatili ang mapagsamantalang sistema sa mga batayang uri sa lipunan tulad ng magsasaka at manggagawa. Maaaring mapatay ng estado ang mga rebolusyonaryo ngunit hinding-hindi nito kayang patayin ang rebolusyon. Hanggang patuloy ang pang-aagaw ng lupa sa mga magsasaka, ang kawalan ng disenteng kabuhayan at barat na sahod ng mga manggagawa, hangga’t inuuna ang tubo ng mga negosyo kaysa kagalingan ng mamamayan, mananatiling may ningas ang rebolusyon.
Hamon namin sa mga kapwa guro at iba pang demokratikong pwersa ng mamamayan na aralin natin ang mga batayang problema na bumabagabag sa ating mga kapos-sa-suportang klasrum hanggang sa batayang problema ng ating lipunan. Pagpugayan natin ang sampung martir ng mamamayan ng Pantabangan! Idinarang nila ang kanilang buhay sa apoy ng digma nang sa ganoon ay patuloy na magningas ang kasigasigan nating lumaban at ipagtagumpay ang rebolusyon!
Mabuhay ang 10 martir ng Pantabangan! Makatarungan ang maghimagsik!