Puspusang labanan ang pasismo ng rehimeng Duterte

Ang Bayan Editoryal| Setyembre 21, 2019

Halos limang dekada na ang nakalipas nang ipinailalim ni Ferdinand Marcos ang buong bansa sa batas militar na nagbunsod ng kanyang brutal na paghaharing diktadura. Sa loob ng 14 na taon, matapang na lumaban ang mamamayang Pilipino sa lahat ng larangan ng pakikibaka. 
Napapailalim ngayon ang sambayanang Pilipino sa katulad na pasistang brutalidad at kabangisan sa harap ng hindi-deklaradong batas militar ng rehimeng Duterte. Ang mga atake laban sa bayan ay mas walang-habas at mas malawakan, partikular sa dami ng pagpatay na kagagawan ng mga pwersa ng estado. 

Ang rehimeng Duterte ay isang pasistang estadong may manipis na tabing. Ginagamit ni Duterte ang halos absolutong kapangyarihan, gamit ang militar at pulis bilang mga armadong ahente na tagapagpatupad ng lahat ng kanyang dikta. Gamit niya ang antikomunismo at antiterorismo bilang nakapangingibabaw na ideolohiya para bigyang-matwid ang walang-habas na atake laban sa mga sibilyan, sa mga kaaway niya sa pulitika at lahat ng demokratikong pwersa. Binibigyan ng buong kontrol ang militar sa ngalan ng “whole of nation approach” o “buong bayan na kaparaanan” sa kontra-insurhensya. 

Namumuno si Duterte sa isang huwad na demokratikong gubyerno. Dahil sa kanyang mga paraang tiraniko, halos nawalan na ng saysay ang kongreso at mga korte. Lahat ng demokratikong pwersa ay pinatatahimik, tinatakot, pilit pinanawawalangsaysay, ginagawang pasibo at ginagapi sa isang todong gera ng panunupil. 

Isang pasistang demagogo o manloloko si Duterte. Ginagamit niya ang popular na sentimyento at hinaing ng malawak na masa upang palabasing kabilang siya sa kanila. Nais niyang kunin ang suporta ng mamamayan at impluwensyahan ang masa habang ipinapataw ang mga patakaran na nang-aapi at nagpapahirap sa kanila. 

Sobrang sama ng ginawa niyang pambabaluktot sa kasaysayan, itinanghal si Marcos bilang bayani at pinapupurihan ang awtoritaryanismo sa makasariling layuning bigyang-matwid ang kanyang tiraniya at ambisyong diktadura. Sa paghirang sa malaking bilang ng mga dating upisyal ng AFP, pinapupurihan niya bilang disiplinado at mapagkakatiwalaan ang mga upisyal ng militar, at pinagtatakpan ang mahaba nilang kasaysayan ng pag-abuso sa mga karapatang-tao at pagkasangkot sa mga sindikatong kriminal at korapsyon. 

Hayagang hinikayat ni Duterte ang militar at pulis na isagawa ang mga ekstrahudisyal na pagpatay at panggagahasa. Tahasan niyang inutusan ang mga pwersang panseguridad ng estado na balewalain ang mga karapatang-tao. 

Ang pasismo ni Duterte ay hindi-nahahangganang teroristang paghahari ng pinakareaksyunaryo sa hanay ng mga naghaharing uri ng malalaking burgesyang kumprador, panginoong maylupa at burukrata-kapitalista sa bansa. Kinakatawan ni Duterte ang pinakasakim at pinakahayop na bahagi ng naghaharing mga reaksyunaryo. Iisang balitok ang pinagmulan nila ng mga Marcos, Arroyo at iba pang pinakamasahol sa korapsyon at pang-aapi. Nasa tugatog siya ngayon ng burukrata-kapitalistang hagdan at ginagamit ngayon ang pasismo upang puksain lahat ng hahamon at lalaban. 

Ang mga pwersang nagsusulong ng demokratikong interes ng masang api ay pinagkakaitan ng puwang ng pasismo ni Duterte. Target wasakin ang mga militanteng unyon at organisasyong manggagawa, patriyotikong grupong mag-aaral, mga asosasyong magsasaka na sumisigaw ng tunay na reporma sa lupa at iba pang demokratikong organisasyon. Layunin nitong hadlangan ang pag-alsa ng masa sa isang demokratikong pagbabangon. Itinatayo ang pasistang-tipo ng mga organisasyong “maka-Duterte” para atakehin ang iba’t ibang demokratikong organisasyon at palabasing mayroong suportang masa ang kanyang kamuhi-muhing rehimen. 

Ang paggamit ng pasismo ng naghaharing pangkating Duterte ay tanda ng kawalang kakayahan ng reaksyunaryong mga uri na maghari sa dating paraan na tinatabingan ng mga prosesong burges-demokratiko ang lantarang terorismo ng estado. Bunga ito kapwa ng malalim at mabagsik na ribalan sa hanay ng mga naghaharing uri, at ng patuloy na lumalakas na hamon sa kanilang paghahari ng organisadong paglaban ng mga uring api at pinagsasamantalahan. Gayunman, lalong pinahihina ng pasismo ang naghaharing estado dahil pinasisidhi nito ang mga kontradiksyon hindi lamang sa pagitan ng masang api at ng naghaharing estado, kundi maging sa pagitan ng magkakaribal na paksyon ng mga naghaharing uri. 

Noong 1972, idineklara ni Marcos ang batas militar, winasak sa isang dekreto ang buong naghaharing sistemang pampulitika at itinatag ang kanyang diktadura. Nang bumagsak si Marcos, ang ibinasura niyang burges-demokratikong mga gayak ng naghaharing sistema ay ibinalik sa ilalim ng Konstitusyong 1987. Ang mga ito ay mabilis ngayong naagnas sa pasistang kaayusang itinatatag ni Duterte. 

Dapat mahigpit na labanan at sikaping wakasan ng sambayanang Pilipino ang paghahari ng pasistang terorismo. Dapat nilang ipaglaban ang kanilang mga demokratikong karapatan at isigaw ang katarungan. Puspusang makibaka upang pigilan ang plano ni Duterte na palawigin ang kanyang paghahari, at igiit na siya’y managot sa lahat ng kanyang krimen. 

Ilunsad ang walang kapagurang kilusang propaganda sa hanay ng masa laban sa pasistang panloloko at mga kasinungalingan ni Duterte. Tuligsain ang paggamit ni Duterte ng absolutong kapangyarihan, ang kanyang pagtataksil sa bayan at korapsyon. Ilantad ang kalokohan at korapsyon sa likod ng mga pekeng “surender” at deklarasyong “persona non grata.” 

Palawakin at patatagin ang mga demokratikong organisasyon sa kalunsuran at kanayunan. Huwag pabayaang maging pasibo sa harap ng pananakot. Aktibong pasiglahin ang mga ito bilang sandata para sa pagtatanggol at pagsulong ng interes ng masa. Lipusin ng tapang ang buong bayan para isulong ang kanilang mga pakikibakang pangkabuhayan, ang pagtatanggol sa mga karapatan, at ang mahirap na pakikibaka laban sa pasistang tiraniya ni Duterte. 

Patuloy na nagsasama-sama ang lahat ng demokratikong pwersa at ibayong pinalalawak ang anti-pasistang nagkakaisang prente laban sa rehimeng Duterte. Nagtitipon-tipon ang mga api at pinagsasamantalahan, ang mga intelektwal at propesyunal, mga akademiko, taong-simbahan, manggagawang pangkultura, mga taong-midya, kababaihan, kabataan at ang anti-Duterteng oposisyong pulitikal. Samantalahin ang ribalan sa hanay ng naghaharing pangkatin. Maging mulat sa mga pihit ng sitwasyon upang ibwelo ang pagpukaw at pagpapakilos sa masa. Ibayo pang magsikhay upang tipunin ang daan-daang libo at milyong mamamayan sa iba’t ibang anyo at larangan ng paglaban para wakasan ang rehimeng US-Duterte. 

Nagsilbing pinakamatibay na muog ng antipasistang paglaban ang Partido at BHB laban sa diktadurang Marcos, nagsulong ng kilusang lihim at hayag, at ng armadong pakikibaka, binigyang-inspirasyon at pinukaw ang mamamayang Pilipino na magkaisa at makibaka para sa demokrasya. Rumurok ang ilang taong antipasistang pakikibaka sa pag-aalsa ng milyun-milyong Pilipino noong 1986 na nagpabagsak sa diktadurang US- Marcos. 

Ang Partido at ang BHB pa rin ang pinakamatibay na muog ng antipasistang paglaban ng sambayanang Pilipino. Dapat ibayong magpakatatag ang lahat ng kadre at kasapi ng PKP at Pulang mandirigma ng BHB at magpanday sa sarili sa ideolohiya, pulitika at organisasyon upang makapamuno at magsilbing ubod ng pakikibaka laban sa pasistang rehimeng Duterte.