Puno ng kasinungalingan at kawalang-pananagutan si 8th Infantry Division chief Maj. Gen. Ariel Orio sa pagmamayabang ng mga “nakamit” umano ng militar at Regional Task Force-Elcac laban sa rebolusyonaryong kilusan sa unang hati ng 2025. Ang talagang ipinagmamayabang niya ay ang pagiging numero-unong delubyo sa mga magsasaka ng Eastern Visayas.
Sa pamamagitan ng “cluster lockdown” o sabayang paghahamlet sa magkakatabing baryo ng mga pasistang tropang nakakampo rito, dala nila ang pinsalang higit pa sa peste, bagyo o tagtuyot sa mga komunidad. Tuwing ipinapataw ang hamlet, pinagbabawalan ang mga magsasaka na umalis ng baryo, kahit pa para magtrabaho sa bukid o magbenta ng produkto sa bayan o kalapit na baryo, liban pa sa ibang restriksyon.
Nito lamang Hunyo, isinailalim sa hamlet ang hindi bababa sa siyam na magkakatabing barangay sa interyor na bahagi ng Las Navas, Catubig, Mapanas, Palapag at Gamay sa Northern Samar, at sa Jipapad sa Eastern Samar. Tinatayang naapektuhan nito ang kabuhayan ng aabot sa 5,998 indibidwal o 1,428 kabahayan.
Nasa 67% ng mga residente sa nasabing mga lugar ang nakikisaka lamang o naghahanap-buhay sa maliliit na niyugan o paghahakot ng produktong-bukid. Kahit walang “lockdown,” nasa ₱350 na ang karaniwang arawang sahod sa mga lugar na ito, mas mababa sa ₱405 na nakatakdang minimum na sahod ng mga manggagawang agrikultural sa Eastern Visayas kada araw. Kaya tuwing may hamlet at pinagbabawalan silang maghanapbuhay, lalong naipagkakait sa mga magsasaka ang nasabing kakarampot na kita.
Sa isang baryo, dahil sa tuluy-tuloy na hamlet kaya nauwi sa wala ang nasa 30,000 kilo ng kopras na produkto sa loob ng tatlong buwan. Katumbas sana ito ng kabuuang kitang aabot sa ₱600,000, o ₱50,000 kada linggong may hamlet, kung ang kopras ay nasa karaniwang presyo na ₱20 kada kilo.
Bingi’t bulag si Orio at kanyang mga kampon sa 8th ID sa kahirapang dulot nila sa mga magsasaka. Palibhasa’y sa bawat isang “napasusuko” nila bunsod ng walang-tigil na pananakot, panghaharas at pagbabanta sa mga hinahamlet na baryo, ginagantimpalaan sila ng pabuya, promosyon, at dagdag-sweldo. Dagdag pa rito ang nakukulimbat nilang pondo mula sa mapanlinlang na “Support to Barangay Development Program” ng RTF-Elcac, na ang totoong silbi ay bilang pork barrel nila.
Ang tinaguriang “Stormtroopers Division” ay isang bagyong naghahatid ng sakuna sa kanayunan. Pinapatay nila ang magsasaka hindi lang sa pamamaril o pambobomba kundi sa dulot nilang kagutuman at pang-aagaw ng kanilang kabuhayan. Direkta silang sagka sa tunay na kaunlaran at kapayapaang inaasam ng mamamayan.
Kaya gayon na lamang ang kagustuhan ng masang magsasaka na bagtasin ang landas ng digmang bayan tungo sa pagwawakas sa pang-aapi at pagsasamantala sa kanila. Lalo silang natutulak na magbigkis, ipaglaban ang kanilang kabuhayan at isulong ang lahat ng anyo ng pakikibaka, laluna ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, upang ipaglaban ang kanilang kabuhayan at karapatan.