5 residenteng tutol sa demolisyon sa Malabon City, ikinulong ng mga pulis

Inaresto ng mga pulis ang apat na residente ng Catmon, Malabon City sa mga kasong perjury at grave coercion, habang isang nadawit pa sa kaso ang sumuko, noong hapon ng Setyembre 16. Ang mga ikinulong ay myembro ng Sandigan Nagkakaisang Mamamayan sa Upper Catmon (SNMUC) na tumututol sa planong demolisyon at pangangamkam ng lupa sa barangay.

Kabilang sa mga inaresto ang lider ng SNMUC na si Remedios “Ate Mimi” Francisco. Itinakda ng korte ang pyansang ₱18,000 bawat isa para sa walong kinasuhan ng perjury at ₱36,000 naman bawat isa para sa anim na kinasuhan ng grave coercion.

Natuklasan ng grupong kaagad na nag-imbestiga sa kalagayan ng mga biktima ang maraming iregularidad sa panahon ng pag-aresto. Kabilang sa mga ito ang panlilinlang na kakausapin lamang sila sa barangay at biglaang pagdakip sa kanila ng hindi unipormadong mga pulis.

Ayon sa SNMUC, ang mga kasong isinampa laban sa kanilang lider at mga myembro ay malinaw na panggigipit upang pahinain ang kanilang paglaban sa planong pagpapalayas sa mga residente ng Cornelio Martinez Francisco (CMF) sa Barangay Catmon. Inaangkin ang erya ni Joselito Lopez ng All Asia Structures, Inc. simula pa noong 2017.

Mula pa Abril 2024, pinagbabantaan at hinaharas na sina Francisco at iba pang residente ng Catmon ayon sa Karapatan-National Capital Region. Pinilit umano sila ng militar na “sumuko” at pumailalim sa programa ng gubyerno bilang mga “rebel returnee.”

Nagpahayag ng suporta ang Kabataan Partylist (KPL)-Malabon sa laban ng mga residente at panawagang palayain ang mga ikinulong. “Walang maralitang lumalaban para sa kanilang tahanan ang dapat gawing kriminal, kasuhan ng gawa-gawang reklamo, arestuhin, ikulong, at gipitin,” pahayag ng grupo.

Anito, walang maralitang-lunsod ang dapat mapalayas nang walang makatarungang dahilan at disenteng relokasyon mula sa gubyerno. “Ang pagtatanggol sa sariling tahanan ay isang karapatan—hindi krimen. Hindi dapat gawing armas ang batas laban sa mahihirap,” ayon sa KPL-Malabon.

Nanawagan ang grupo sa pamahalaang lunsod ng Malabon na pinamumunuan ni Mayor Jeannie Sandoval, Congressman Lenlen Oreta, at sa Sangguniang Panlungsod ng Malabon na magkaroon ng agarang imbestigasyon sa naturang insidente at magpakita ng tunay na malasakit sa mamamayan. “Paano makakasama ang mga maralita sa pag-ahon ng Malabon kung pilit naman silang sinusupil at tinanggalan ng karapatan?” anang grupo.

Idineklara ng grupo ang tuluy-tuloy nitong suporta sa mga residente ng Barangay Catmon para ipagtanggol ang karapatan sa paninirahan. “Sama-sama nating igiit: Demolisyon, tutulan, labanan, huwag pahintulutan!” pahayag ng KPL-Malabon.

Source link