5, iligal na inaresto sa nagdaang mga linggo

Sunud-sunod ang mga kaso ng iligal na pag-aresto ngayong buwan ng Disyembre. Hindi nakaligtas sa brutal na pasistang panunupil ng rehimeng US-Marcos kahit ang mga matatanda at maysakit.

Sa Iloilo City, inaresto ng mga pwersa ng estado ang 74-gulang na maysakit na si Tomas Dominado at kasama niyang tagapag-alaga noong Disyembre 5 sa Barangay Sooc, Arevalo, Iloilo City. Pinararatangan siya ng mga kasong pagpatay at rebelyon na isang dekada nang isinampa sa korte. Sinampahan naman ng illegal possession of firearms and ammunition, kasong “terorismo,” at mga kasong pagtatago sa pangunahing akusado, at obstruction of justice ang kanyang kasama.

Si Dominado ay dumanas ng stroke noong nakaraang taon, nakaratay na sa kama at nakasalalay lamang sa nag-aalaga sa kanya para makakilos gamit ang wheelchair. Dumaranas siya ng altapresyon, heart enlargement, neurological deficits, at iba pang seryosong isyung medikal at ang pagkukulong sa kanya ay makapagpapalala sa kanyang kalagayan.

Sa Olongapo City, inaresto ng mga pulis ang isang matanda noong Disyembre 7 sa Barangay Gordon Heights sa paratang na siya si Prudencio Calubid, isang dating kumander ng Bagong Hukbong Bayan. Ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng PKP, hindi si Calubid ang inaresto, na noon pang 2006 siya dinukot at iwinala ng mga ahenteng militar. Ang pag-aresto sa matanda ay malinaw na pagkubra lamang sa ₱7.8 milyong patong sa ulo kay Calubid.

Sa Quezon, inaresto ang magkokopra na si Ronilo Villanueva at isa pang nagngangalang “Genero” sa Barangay Guinhalinan, San Narciso noong Disyembre 12. Bago nito, nasugatan sa paa si Villanueva nang barilin ng mga sundalo ng 85th IB.

Sa Negros Occidental, inaresto ng pinagsanib na pwersang militar at pulis sa pangunguna ng 79th IB ang 58-taong gulang na ginang na si Melba Gabriel sa Sityo Malig-on, Barangay Bandila, Toboso noong Disyembre 14. Pinararatangan siya ng mga pwersa ng estado bilang isang “susing lider” sa BHB at sinampahan ng kasong tangkang pagpatay.

Pagdukot. Iniulat kamakailan ng BHB-Sorsogon ang kaso ng sapilitang pagdukot at lihim na pagkukulong ng mga pwersa ng estado kay Gerald Gestole (Ka Chris), mandirigma nitong nagpapagamot. Dinukot siya noong Nobyembre 17, bandang 4:30 ng hapon sa paradahan ng traysikel sa Barangay Crysanthemum, San Pedro, Laguna.

Pamamaril. Pinaulanan ng bala ng mga sundalo ng 94th IB ang bahay ng magsasakang si Jesse Talaban habang wala siya sa Barangay Buenavista, Himamaylan City noong Disyembre 12. Iligal din na pinasok at hinalughog ng mga ito ang bahay.

Tanggalan sa Nexperia. Apat na upisyal ng Nexperia Philippines Inc. Workers’ Union-NAFLU-KMU, kabilang ang pangulo nito, ang tinanggal ng kumpanya noong Disyembre 17. Ang iligal na pagtanggal ay ganti ng kapitalista kasunod ng pagsasampa ng mga manggagawa ng “notice of strike” noong Disyembre 10 matapos ang isang taon nang pag-antala ng kumpanya at deadlock sa negosasyon para sa bagong CBA. Bumoto ang 1,195 manggagawa pabor sa welga noong Disyembre 20. Ayon sa unyon, ginamit ng kapitalista ang paratang na “pagharang” sa paglabas-masok ng mga produkto sa kumpanya para tanggalin sila.

Demolisyon. Noong Disyembre 10, nagkaroon ng banta ng demolisyon laban sa 47 kabahayan sa Dalat, San Roque, Davao City. Ayon sa mga residente, nagmula sa upisina ni Atty. Elisio Braganza ang banta ng pagpapalayas sa kanila. Sa araw na iyon, nagtungo sa komunidad ang mga tauhan ng lokal na gubyerno, sa partikular mula sa City Engineering Office.