5 aktibistang pangkultura, inaresto sa Cavite

Kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Cavite ang pag-aresto sa limang aktibistang pangkultura noong Hunyo 27 ng madaling araw sa Pasong Buaya, Imus, Cavite. Nagsasagawa ng oplan pinta ang lima nang dakipin ng mga pwersa ng estado. Binansagan ang lima bilang Imus 5.

Ayon sa grupo, pinigilan, tinakot, at sapilitang dinampot ang lima habang nagsasagawa ng oplan pinta na nagpapahayag ng pagtutol ng mamamayan sa demolisyon at komersyalisasyon sa Cavite. Bago pa umano makapagpinta, sinundan na ang mga biktima, dinumog, pinagbantaan gamit ang baril, bago dinala sa baranggay hall.

Kabilang sa mga inaresto sina Shinice Wacan at Ronald Valderama, mga kasapi ng Cavite Collective Alliance for Social Change (CCLASIC), ang pangkulturang bisig ng Bayan-Cavite.

Nagmula si Wacan sa isang komunidad sa Bacoor City na paulit-ulit na naging biktima ng demolisyon at sunog, bunga ng mga proyektong pang-imprastruktura ng estado. Naorganisa siya sa CCLASIC noong 2014 kasabay ng tinaguriang “hot demolition” sa ilalim ng proyektong “rehabilitasyon” ng Bacoor City bilang bahagi ng Mega Manila.

Si Valderama ay naorganisa noong demolisyon sa Talaba 2 noong 2016 at naging boses ng kabataan bilang dating ikalawang tagapangulo ng Anakbayan Cavite. Mula 2019 ay aktibo siyang bahagi ng CCLASIC, tumutulong magmulat at mag-organisa sa pamamagitan ng sining.

“Ang ganitong marahas na pag-aresto sa mga artista ng bayan ay malinaw na atake sa karapatang magpahayag at makilahok sa laban ng mamamayan,” ayon sa Bayan-Cavite.

Idiniin ng grupo na hindi isang krimen ang paggamit sa sining bilang paraan ng protesta. Anang grupo, “isa itong lehitimong anyo ng sining sa paniningil at pagtutol sa patuloy na pandarahas ng estado.”

Nanawagan ang Bayan-Cavite sa agarang pagpapalaya sa Imus 5. “Dapat managot ang estado sa patuloy na panunupil sa sining ng paglaban,” anito.

Source link