Hindi bababa sa apat na sundalo ng 28th IB sa ilalim ng 4th ID ang napatay sa engkwentro sa isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Sityo Kiudto, Barangay Hagpa, Impasug-ong, Bukidnon noong Mayo 23. Kabilang sa mga napaslang ang isang tinyente at isang korporal. Lima pang sundalo ang nasugatan.
Sa ulat ng BHB-North Central Mindanao Region, naunang nakapagpaputok ang Pulang hukbo sa naglalakad na tropa ng 28th IB. Tumagal umano ang labanan ng 10 minuto at agad na ligtas na nakaatras ang yunit ng hukbong bayan. Samantala, patuloy pang nagpaputok ang 28th IB ng 30 minuto.
Naunang iniulat ng 4th ID ang naturang engkwentro at inamin ang pagkasugat ng kanilang tropa, ngunit tahimik sa naitalang bilang ng patay sa kanilang hanay. Para kunin ang kanilang mga namatay at sugatang sundalo, gumamit ang Black Hawk na helikopter ang mga sundalo.
Bilang ganting salakay ng talunan na mga sundalo ng 4th ID, napasabog ito ng anim na bala ng kanyon na bumagsak sa sakahan ng mga residente. Labis na takot at troma, at pagkasira sa mga kabuhayan ang idinulot ng teroristang hakbang na ito ng militar.
Para pataasin ang moral ng 28th IB na namatayan at nasugatan ng tropa, kinilala ng kumander 4th ID bilang mga “bayani” ang nasugatang mga tropa, pero walang pagkilala sa mga namatay nitong sundalo.
Samantala, nakapaglunsad ng operasyong haras ang BHB laban sa mga pwersa ng 88th IB sa Sityo Dinalhagan, Barangay Balagnan, Esperanza, Agusan del Sur noong Mayo 8. Muling tinarget ng operasyong haras ng Pulang hukbo ang parehong tropa sa sityo noong May 18. Nagdulot ito ng ligalig sa mga berdugong sundalo at kanilang operasyong kombat.