Kinundena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Northern Samar ang pagmasaker ng mga sundalo ng 8th ID sa tatlong magsasaka sa Barangay Nagoocan, Catubig noong Hunyo 8. Pinalalabas ng militar na ang tatlo ay kabilang sa limang napaslang sa isang armadong engkwentro ng mga sundalo sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Ayon sa PKM-Northern Samar, sina Noel Lebico Sr, Arnel Aquino at Nonoy Norcio na mga tinukoy ng 8th ID na napatay nito ay mga ordinaryong magbubukid. “Silang tatlo ay matagal nang target ng brutal na kampanyang pagpapasuko ng pasistang militar,” ayon sa grupo.
Si Lebico ay residente ng Barangay Roxas sa Catubig, si Aquino ay mula sa Barangay Osmeña sa Palapag, haang si Norcio ay taga-Barangay Luneta, Gamay. Ang mga baryo at bayang kanilang tinitirahan ay nakapailalim sa de facto na batas militar mula pa noong 2020.
Dati nang nakararanas ng panggigipit at kalupitang militar ang mga biktima ayon sa PKM-Northern Samar. Sa partikular, si Aquino ay dating inarest ng 20th IB noong 2017 sa hindi malinaw na dahilan. Dalawang beses rin siyang tinangkang patayin sa pag-istraping ng 20th IB 2020 at 2023.
“Kasama ang kanyang mga kampon sa 8th ID, walang kaabog-abog na binabaluktot [ng kumander nito na si Maj. Gen. Adonis Orio] ang katotohanang mga magsasaka ang kanilang pinaslang. Inuulit niya lang ang pasistang kasinungalingan na “nanlaban” o “armado” ang tatlo,” pahayag ng grupo ng magbubukid.
Malinaw umanon minasaker ang tatlo dahil sa pagtatakwil nila sa sapilitang pagpapasuko ng 8th ID, na nangangahulugan ng pagtuturo at pagtataksil sa kanilang mga kababaryo. “Palibhasa’y hayok na hayok sina Orio na makopo ang “gantimpala” sa “pagnyutralisa” sa mga pinararatangang kasapi ng BHB, kaya estilong Tokhang ang pinaiiral sa kampanyang kontra-insurhensiya,” dagdag nito.
Binatikos rin ng PKM-Northern Samar ang pamimilit sa menor-de-edad na anak ni Lebico na si Noel Lebico Jr na magsalita at magsinungaling. “Sa gitna ng kanyang pagdadalamhati, kinasangkapan pa nila ito upang siraan ang kanyang amang sila mismo ang pumaslang,” ayon sa grupo.
Nanawagan ang PKM-Northern Samar sa mga kapwa nila magbubukid na magsalita at kundenahin ang pagpaslang sa mga sibilyan. “Higit kailanman ay kailangan nating magkaisa laban sa paghaharing militar,” pagdidiin ng grupo. Anito, sa paglaban nila makakamit ang tunay na hustisya para sa mga mahal sa buhay na inagaw ng pasistang militar.
Hinimok rin nila ang mga grupo sa karapatang-tao, midya, mga taong-simbahan, mag-aaral at lokal na upisyal na makiisa sa mga magsasaka ng Northern Samar na ilantad ang mga abusong militar at ipanawagan ang pagpapaalis ng mga sundalo sa ating mga baryo. “Alamin ang katotohanan sa likod ng mga kasinungalingan ng 8th ID, ipagtanggol at pumanig sa masang inaapi,” anito.
Samantala, wala pang impormasyon sa pagkakakilanlan ng dalawa pang iniulat ng 8th ID na pinaslang nito sa sinasabing engkwentro.