25-anyos na binata sa Surigao del Sur, brutal na pinatay ng militar

Nananawagan ng hustisya at pananagutan ang mga kaanak ng 25-anyos na Lumad-Manobo na si Davie Ugking matapos siyang patayin ng mga tauhan ng special forces ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Hunyo 6 sa Kilometro 9, Barangay Diatagon, Lianga, Surigao del Sur. Pauwi ang biktima mula sa pagtatrabaho nang dakpin at tuluyan siyang patayin ng militar.

Sa salaysay ng pamilya, nanggaling si Ugking sa Sityo Neptune mula sa pagtatrabaho at paghahakot ng falcatta. Naglalakad siya pauwi bandang alas-4 ng umaga noong Hunyo 6 sa Kilometro 9 kung saan naka-istasyon ang tropa ng special forces.

Noong umagang iyon, nakarinig ang mga residente ng putok ng baril. Sa pag-uusisa nila, nakita ng mga residente ang hubad na bangkay ni Ugking na nakasandal sa isang bato malapit sa tarangkahan ng kampo militar. Mismong ang sundalo pa ang nag-ulat na patay na ang biktima.

Sa pagsusuri ng pamilya sa bangkay, nakita nila ang mga bakas ng tortyur. Mayroon itong mga sugat sa buong katawan, nalapnos ang kanyang likod na malamang mula sa pagbubuhos ng mainit na tubig, may tama ng bala sa paa at sa kaliwang bahagi ng kanyang hita, sugat sa ulo, at sugat sa leeg na parang ginamitan ng bagay upang sakalin.

Malinaw sa mga residente na kagagawan ang krimen ng isang sundalo ng special forces. Gayunman, isang elemento ng CAFGU ang pinaamin ng mga ito na may kagagawan sa krimen. Isinuko ng mga sundalo ang CAFGU na kanilang idinawit sa pagpatay.

Source link