21-gun salute, inilunsad ng mga yunit ng BHB para kay Ka Louie

Nagsagawa ng tahimik na 21-gun salute ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa iba’t ibang rehiyon ng bansa bilang pagpaparangal at pagpupugay kay Ka Luis Jalandoni noong Hunyo 12. Ipinatupad ito ng Pulang hukbo alinsunod sa tagubilin ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Pumanaw si Ka Louie noong Hunyo 7 sa ganap na alas-9:05 ng umaga sa Utrecht, the Netherlands (03:05 ng hapon, oras sa Pilipinas). Siya ay 90 taong gulang. Sa kanyang pagpanaw, kapiling ni Ka Louie ang mga kasama, ang kanyang asawang si Ka Coni Ledesma, at kanyang pamilya.

Nagtipon ang mga Pulang mandirigma sa pagputok ng araw noong Hunyo 12, nagpormasyon at isinagawa ang tahimik na 21-gun salute. Binasa sa mga pagtitipong ito ang mensahe ng Komite Sentral na nagbibigay pugay kay Ka Louie.

Bilang pagkilala sa natatangi at malalaking ambag ni Ka Louie sa rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino, ibigay natin sa kanya ang ating pinakamatikas na Pulang saludo, at ipagdiwang natin ang kanyang katangi-tanging buhay

Komite Sentral

Sa Southern Tagalog, pinangunahan ng panrehiyong kumand ng BHB na Melito Glor Command ang pagtitipon at pagpaparangal. Sa gitna ng mga operasyon ng kaaway, humanay ang Pulang hukbo at naglunsad ng tahimik na 21-gun salute.

Sama-sama ring binigkas ng mga Pulang mandirigma ng iba’t ibang yunit ng hukbong bayan sa rehiyon ang “Parangal at Panata kay Ka Louie” na inilabas ng Partido. Pinangunahan nina Comrade Kathryn at Cleo del Mundo, tagapagsalita ng BHB-Quezon (Apolonio Mendoza Command) ang panata sa kani-kanilang yunit na kinabibilangan.

Pormasyon ng mga Pulang mandirigma ng BHB-Negros Island na nagbigay parangal kay Ka Louie noong Hunyo 12.

Liban dito, iniulat din ng ibang yunit ng BHB sa Southern Tagalog ang paglulunsad ng Kapehan (estilo ng talakayan sa hukbong bayan) upang dakilain si Ka Louie. Ayon kay Ka Maxie, isang upisyal sa pulitika ng BHB, “Makakaasa si Ka Louie na isasapuso at isasabuhay namin ang panata. Hindi masasayang ang kanyang buhay na inialay para sa rebolusyon at bayan.”

Sa Eastern Visayas, iniulat ng panrehiyong kumand ng hukbong bayan na Efren Martires Command ang kanilang aktibidad. Ginamit rin ng yunit ang pagtitipon at 21-gun salute bilang pagsariwa sa panata ng hukbong bayan na paglingkuran ang sambayanan tulad ng buong-buhay na pag-aalay ni Ka Louie sa adhikain ng mamamayan.

Nagpasalamat rin ang kumand sa “malalaking kontribusyon ni Ka Louie sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyog bayan, laluna sa usapang pangkapayapaan sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas.”Pormasyon ng mga Pulang mandirigma ng BHB-Negros Island na nagbigay parangal kay Ka Louie noong Hunyo 12.

Sa Negros Island, islang pinagmulan ni Ka Louie, isinagawa ng mga yunit ng hukbong bayan ang 21-gun salute sa pangunguna ng BHB-Negros (Apolinario Gatmaitan Command). “Nawalan ng anak ang masa,” pahayag ni Ka Maoche Legislador, tagapagsalita ng panrehiyong kumand ng BHB.

“Ang mga dekada ng kanyang walang pag-iimbot at tapat na paglilingkod sa mga inaapi at pinagsasamantalahang uri ay mananatiling nakatatak sa alaala ng bawat Negrosanon na itinuturing siya bilang kanilang minamahal na anak,” dagdag ni Ka Maoche.

Ayon kay Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng BHB-Northern Negros (Roselyn Pelle Command), “niloloko ng mga reaksyunaryo ang kanilang mga sarili sa pag-iisip na ang pagkamatay ng isang rebolusyonaryong lider ay makapipigil sa pagsulong ng rebolusyon.” Aniya, maraming iba pa ang tatangan sa sulo ng rebolusyong iniwan ni Ka Louie dahil sa pagtindi ng krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan sa ilalim ng rehimeng US-Marcos.

Panata ng bawat Pulang kumander at mandirigma na itataguyod ang rebolusyonaryong pamana ni Ka Louie. “Tularan natin si Ka Louie sa kanyang walang-hanggang rebolusyonaryong paninindigan,” ayon sa Komite Sentral.

Source link