Nagmartsa ang mga Pilipino noong Oktubre 7 patungong embahada ng US sa Pasay City para batikusin ang nagpapatuloy na dalawang taong henosidyo at pagwasak ng Zionistang US-Israel sa Gaza. Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Philippines-Palestine Friendship Association (PPFA) ang protesta na tugon nila sa pandaigdigang panawagan ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) na maglunsad ng mga pagkilos. Sinunog sa pagkilos ang magkadikit na bandila ng US at Israel, at mga lider ng dalawang bansa.
Ang protesta ay itinaon sa ikalawang anibersaryo ng makasaysayang Al Aqsa Flood, ang armadong opensiba mula sa lupa, dagat at himpapawid ng mga pwersang Palestino, na pinamunuan ng Hamas at ng Izz ad-Din al-Qassam Brigades, laban sa mananakop na Israel. Tugon ang Al Aqsa Flood ng mamamayang Palestino laban sa 75-taong gerang agresyon ng Israel.
Sa sumunod na dalawang taon, walang puknat na binomba ng Zionistang Israel, sa tulong ng imperyalismong US at mga alyadong bansa sa Europe, ang sibilyang populasyon ng Gaza. Dinurog nito ang mga ospital, simbahan, paaralan, apartment, gusali at maging mga evacuation center.
Umabot sa mahigit 66,500 Palestino ang pinaslang, 18,500 ay mga bata. Namatay naman ang 453 dahil sa malnutrisyon at gutom. Nasa 254 na mga mamamahayag ang pinaslang. Noong Marso, tuluyan nang hinarang ng Israel ang pagpasok ng ayuda sa syudad, habang ginamit ng sundalong Israeli at mga mersernaryong Amerikano ang pamamahagi nito upang patayin ang mga Palestino. Inatake ng Zionistang Israel ang Global Sumud Flotilla, at mga pagtatangka ng mga grupo na makapasok sa Gaza para maghatid ng makataong ayuda.
“Sa ikalawang anibersaryo ng Al Aqsa Flood, walang maliw ang pakikiisa ng Bayan sa sambayanang Palestino at kanilang makatarungang paglaban para sa pambansang kalayaan,” pahayag ng grupo. Anila, isa itong makatarungang tugon sa deka-dekada nang Zionistang pananakop, kolonyal na pang-aapi, at henosidyo na suportado ng imperyalismong US.
Binatikos ng Bayan ang pagiging kasabwat ng rehimeng Marcos sa henodisyo sa pamamagitan ng aktibong pakikisangkot nito sa Israel, mula sa pag-apruba ng milyun-milyong pisong kontrata sa armas sa mga kumpanyang depensa ng Israel hanggang sa pagsasagawa ng magkasanib na pagsasanay kasama ang Israel Defense Forces (IDF). “Ang alyansang ito, na pinananatili ng patuloy na dominasyon ng US sa ating pulitika at ekonomya, ay ginagawang katuwang ang Pilipinas sa makinarya ng digmaan na responsable sa panggugutom at henosidyo sa Palestine,” pahayag ng Bayan.
Ayon sa PPFA, may tungkulin ang mga Pilipino na ilantad ang sabwatang ito ng rehimeng Marcos, ng Zionistang Israel at ng imperyalismong US bilang porma ng pakikiisa sa mamamayang Palestino. “Kinakailangan nating iugnay ang karahasang nangyayari sa Gaza sa karahasan sa sarili nating mga komunidad, kung saan ang militarisasyon, pagpapalayas at ekonomikong pandarambong ay araw-araw na nangyayari,” pahayag ng PPFA.
Dagdag nito, “sa pakikiisa natin sa Palestine ay hindi natin iniiwan ang ating sariling laban kundi pinatatalas natin ito, pinagtitibay, at inuugat natin sa pandaigdigang pakikibaka laban sa imperyalismo.”
Liban sa protesta, pinangunahan ng PPFA ang isang porum noong Oktubre 6 na ginanap sa University of the Philippines (UP) Fine Arts. Dumalo sa aktibidad ang mga organisasyong masa, mga Pilipino at Pilipino-Arab na kabataan, si Sultan Alim Saad I. Amate, Venezuelan Chargé d’Affaires Richard Gregorio Espinoza Lobo, Rafea Salem El-Hawi ng Philippine Arab Cooperation Council Inc., at mga Pilipino-Gazan na mga refugee.
Ang pagtitipon ay nasilbi ring paglulunsad sa Pilipinas ng International People’s Tribunal para Palestine na gaganapin sa Nobyembre 22-23 sa Barcelona, Spain. Papanagutin sa tribunal ang mga sangkot at punong responsable sa malulubhang paglabag sa karapatan ng mga Palestino. Ang tribunal ay pinangunahan ng ILPS.
Matapos ang porum, pinasinayaan rin ng PPFA at mga katuwang nitong organisasyon ang isang eksibit na pinamagatang “Frames of Resistance: A Photo Exhibit on the Filipino-Palestinian Struggles.” sa UP Fine Arts Gallery Atrium. Tampok dito ang mga larawan, biswal, at iba pang sining na nagpapakita sa paglaban ng mga Palestino at Pilipino.
Samantala, naglunsad rin ng mga aktibidad noong Oktubre 7 ang UP for Palestine at Baguio for Palestine. Maraming mga progresibong organisasyon rin ang nagpahayag at pinagtibay ang kanilang suporta sa pakikibaka ng mamamayang Palestino sa araw na iyon.
Nagpahayag rin ng suporta ang Partido Komunista ng Pilipinas sa nagpapatuloy na armadong pakikibaka ng mamamayang Palestino para makamtan ang hustisya, kalayaan at pambansang sariling-pagpapasya. Nanawagan ang Partido sa lahat ng manggagawa, kabataan at mamamayan sa buong bansa na magpaabot ng lahat ng posibleng suporta at tulong para paigtingin ang pakikibaka laban sa Zionistang rehimen at imperyalismong US hanggang sa tuluyang makalaya ang Palestine. “Sa walang katapusang pakikibaka, makakamtan ang kalayaan,” deklarasyon nito.











