Napatay sa isang ambus ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) ang dalawang pulis habang bumibyahe sa Barangay Bagong Silang, Victoria, Oriental Mindoro noong Hulyo 13 ng hapon. Ayon sa hukbong bayan, tugon ito sa kahilingan ng mga Mindoreño na panagutin ang AFP-PNP sa teroristang kampanya nito sa mga bayan sa Central Oriental Mindoro.
Ang presensyang militar at pulis sa bayan ng Victoria ay bahagi ng pagbibigay seguridad sa malalaking mapangwasak at kontra-mamamayang proyekto. Kabilang dito ang pitong lugar sa pagkukwari sa Victoria na pinayagan ng lokal na gubyerno. Nakaamba rin ang pagpasok ng malaking operasyong mina sa Victoria mula sa pagbuhay sa Mineral Production Sharing Agreement ng Mindoro Nickel Project.
Pipinsalain ng mga ito ang libu-libong ektaryang lupain kung saan nakaasa ang kabuhayan ng mga magsasaka at katutubong Mangyan. Karaniwan nang kalakaran para sa pulis at militar ang pagpwesto bago magsimula ang mga mapangwasak na proyekto upang pigilan ang pagtatanggol ng mamamayan sa kanilang lupa at likas na yaman.
The post 2 pulis, inambus ng BHB-Mindoro appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.