2 Pulang mandirigmang hors de combat, 1 medik, pinaslang ng 93rd IB sa Leyte

Lubos na kinukundena ng Bagong Hukbong Bayan-Leyte Island (Mt. Amandewin Command) ang walang-awang pagpaslang ng mga tropa ng 93rd Infantry Battalion sa dalawang Pulang mandirigmang hors de combat at kasama nilang medik sa Barangay Cogon, Carigara, prubinsya ng Leyte noong Hunyo 18.

May sakit at nagpapagaling noon sina Juanito Selleca Jr (Ka Tibor/Ka Rey) at Sadam Paclita (Ka Dimple) nang salakayin at pagbabarilin ng mga tropa ng 93rd IB bandang alas-8 ng umaga. Kasama nilang pinaslang si Lino Delante (Ka Dodong), isang medik na nag-aalaga sa nasabing mga pasyente.

Ang pagpaslang ng 93rd IB sa mga biktima ay malinaw na paglabag sa internasyunal na makataong batas, na itinataguyod ng CARHRIHL at Geneva Conventions na kapwa nagsasaad na hindi dapat saktan ang mga istap medikal at hors de combat o mandirigmang wala sa katayuang lumaban.

Taliwas sa pinalalabas ng 802nd Infantry Brigade at 8th Infantry Division, hindi engkwentro ang naganap. Walang dalang riple ang mga kasamang napaslang dahil sila ay mga pasyente. Ayon pa sa ulat ng masa sa lugar, wala silang narinig na palitan ng putok kaya makaisang-panig na pamamaril ang nangyari. Kung gugustuhin ay kaya nilang dakpin ang mga walang kalaban-labang Pulang mandirigma at kilalanin ang katayuan nila sa kalusugan. Ngunit ni hindi man lang ginalang ng pasistang militar ang kanilang mga karapatan at walang-awang pinaslang.

Kinukundena din ng BHB-MAC ang nagpapatuloy na pang-aabuso ng 93rd IB sa mga residente ng Barangay Cogon kasunod ng nasabing pang-aatake.

Katuwang ng pasistang tropa ng 93rd IB sa ilalim ni LTC Charlie Sacot sa pagkuha ng bangkay ng mga kasamang napaslang si Alma Gabin, isang traydor na kinamumuhian ng masa, ahente ng militar at NTF-Elcac, at tagahabi ng kasinungalingan. Sa nakaraan, isa ang Carigara sa maraming bayan sa Leyte kung saan walang tigil ang militar sa pagsupil, paninindak at pamimilit na “sumuko” ang ordinaryong mga magsasaka.

Sina Ka Tibor, Ka Sadam at Ka Dodong ay mga tunay na bayani at minamahal na anak ng bayan. Pinili nilang iwan ang komportableng buhay upang buong-panahong maglingkod sa masang magsasaka. Tinanggap at pinangibabawan nila ang mga sakripisyo ng armadong pakikibaka sa ngalan ng dakilang adhikain na kamtin ang tunay na kalayaan at demokrasya para sa mamamayang Pilipino. Magpupunyagi ang BHB-MAC na ipagpatuloy ang pakikibakang ito anumang hirap ang harapin.

Katarungan para sa Carigara 3!

Katarungan para sa lahat ng biktima ng pasismo ng estado!

Panagutin ang AFP sa mga paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas!

Itaguyod ang CARHRIHL at lahat ng napirmahang kasunduan ng GRP at NDFP!

Source link