₱50 dagdag-sahod sa NCR, binatikos ng mga manggagawa

Binatikos ng mga manggagawa mula sa Kilusang Mayo Uno (KMU) ang kaaanunsyo lamang ng rehiyunal na wage board ng National Capital Region na ₱50 dagdag-sahod para ngayong taon. Bilang protesta, nagmartsa ang may 300 manggagawa sa Baguio City, kung saan ginaganap ang ika-13 Pambansang Kongreso ng KMU na sinimulan noong Hunyo 27 at magtatapos sa Hunyo 30.

Dala-dala ng mga manggagawa ang panawagan para sa nakabubuhay na sahod na ₱1200 para sa lahat. Kasabay ng pagkilos, muling inihain ng mga progresibong mambabatas sa Kongreso ang panukala na ₱1200 dagdag-sahod para matalakay ito ng papasok ng ika-20 Kongreso.

“Year in, year out, akala ni Bongbong Marcos ay masasapatan ang manggagawang Pilipino sa pabarya-baryang dagdag-sahod. Mariing tutol siya sa anumang legislated wage hike at itinuturing pa niya at ng mga alipores niyang nakakasama sa bayan ang makabuluhang dagdag-sahod. Ngunit malinaw sa aming mga nagtitipon ngayon na ang aspirasyon ng manggagawa ay makamit ang nakabubuhay na sahod para sa kanilang mga pamilya, at ang paggalang sa aming mga batayang karapatan,” batikos ni Jerome Adonis, bagong halal na tagapangulo ng KMU.

Inanunsyo ang kakarampot na pagtaas matapos patayin ng rehimeng Marcos ang panukalang batas na magdadagdag sana ng P200 sa sahod ng lahat ng minimum earner sa buong bansa.

“Patuloy kaming kikilos. Gagamitin namin lahat ng mga demokratikong espasyo—diyalogo, piket-protesta, malikhaing mga porma at hanggang sa aming sandata, ang welga upang patuloy na igiit ang sahod, trabaho at karapatan ng manggagawa sa buong bayan. Mga ka-manggagawa lakas natin ang pagkakaisa, nasa pagkilos natin ang tagumpay!” ayon naman kay Mary Ann Castillo, president ng Nexperia Workers Union at bagong halal na pangkalahatang kalihim ng KMU.

Source link