Ipinasa ng Mababang Kapulungan kahapon, Hunyo 4, ang house Bill No. 11376 (Wage Hike for Minimum Workers Act) na naglalayong itaas ang minimum na sahod nang ₱200/araw. Ipinasa sa Senado ang katulad na panukala, pero para lamang sa ₱100 na dagdag-sahod. Isasalang ito sa bicameral committee bago ihahapag para pirmahan ng presidente. Kung maisasabatas, ito ang unang legislated wage hike sa Pilipinas sa nakaraang 36 taon.
Tiningnan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagkapasa ng dalawang panukala bilang bunga ng tuluy-tuloy na panawagan ng mga manggagawa para sa nakabubuhay na sahod. Anito, malayo pa ito sa ₱1,200 na nakabubuhay na sahod. Gayunpaman, malayong mas mataas ito sa taunang iginagawad ng mga regional wage board na nasa ₱30-₱50 lamang sa nakaraang mga taon.
Itinutulak ng mga manggagawa na repasuhin ang kasalukuyang mekanismo sa pagtatakda ng sahod na idinadaan sa mga regional wage board.
“Muli naming iginigiit pagbabasura ng RA 6727, ang pagwawakas ng rehiyunalisasyon ng sahod, at ang pagbuwag sa mga Regional Wage Boards (RWB),” ayon sa KMU. “Ipinaglalaban naming mga manggagawa ang pagbabalik ng isang National Minimum Wage na nakabatay sa family living wage.”
Binatikos nito si Ferdinand Marcos Jr, na sa halip na tugunan ang hinaing ng mga manggagawa, ay nagpapatupad lamang ng mga panandalian at pakitang-taong mga hakbang.
Anito, hindi mapapawi ng mga gimik na ito ang galit ng manggagawa sa deka-dekadang pambabarat ng sahod.
“Hindi kami magpapabulag sa mga drama ng cabinet reshuffling at hungkag na pangako ng ₱20 na bigas para sa mga minimum wage earners,” ayon sa KMU.
Sa Kongreso, nangako ang mga makabayang mambabatas na titiyakin nilang maisabatas ang ₱200 dagdag-sahod at iba pang katulad na panukala.
“Hindi tayo titigil maging mapagbantay sa panukalang ito, hanggang ipasa rin ng senado at pirmahan sa Malacañang,” pahayag ni Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party.
The post ₱200 dagdag-sahod, di pa rin nakasasapat appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.