₱28.4 bilyong kumpensasyon sa mga Cojuangco-Aquino para sa Hacienda Luisita, mariing tinuligsa ng mga magsasaka

Di makatarungan at patunay ng kapalpakan ng huwad na reporma sa lupa ang kamakailang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nag-uutos sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Land Bank of the Philippines (Landbank) na bayaran ng mahigit ₱28.488 bilyon bilang “makatarungang kumpensasyon” ang mga Cojuangco-Aquino, mga may-ari ng Hacienda Luisita.

Ang naturang desisyon, na inilabas noong Abril 25, ay kaugnay sa naunang utos ng Korte Suprema na ipamahagi ang 4,500 ektarya ng lupa ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

“Walang katarungan sa pagbibigay ng bilyong pisong kabayaran sa mga panginoong maylupa na dekada nang nagsamantala at nagkamal ng yaman mula sa mga magsasaka at manggagawang bukid ng Hacienda Luisita. Ito ay malinaw na patunay ng kabiguan at kabulukan ng CARP,” pagkundena ni Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), sa desisyon.

Sa pag-aaral ng KMP sa dokumentong inilabas ng Court of Appeals (CA-G.R. SP No. 180821), kinilala ng Korte ang kabuuang halagang Php28,488,944,278.71 bilang kabayaran sa mga Cojuangco-Aquino, matapos ibawas ang nauna nang natanggap na ₱1.5 bilyon. Naging basehan ng desisyon ng CA ang pinakabagong halaga ng lupa nitong Abril 30, 2025.

“(S)a kabila ng kabayarang ito, daan-daang magsasaka at pamilya sa Hacienda Luisita ang patuloy na walang lupa, walang nakamit na hustisya, at patuloy na inaagawan ng kabuhayan dahil sa malawakang land use conversion sa HLI,” ayon kay Ramos.

Aniya, habang ang mga tunay na nagbungkal ng lupa ay pinaslang, pinalayas, at sinupil, ang mga nagkamal ng kita mula sa monopolyo ng pag-aari sa lupa ay ginagantimpalaan pa. Tinuligsa rin ng Federation of Free Farmers (FFF) ang napakalaking halaga ng kabayaran, na tinawag nilang “sobra-sobra,” lalo’t mas mababa ang naunang tantya ng DAR at korte sa tunay na halaga ng lupa.

Ayon pa sa KMP, mas malaki pa ang ₱28.488 bilyon sa kabuuang badyet ng DAR para sa 2025 na ₱11.101 bilyon.

“Hindi na dapat bayaran ang pamilyang ito pati na ang mga Lorenzo na may malaking sapi na rin sa Hacienda Luisita. Sa halip na maglaan ng sapat na pondo para sa ayuda, suporta sa produksyon at kumpensasyon sa mga magbubukid, magbubuhos pa ng gobyerno ng yaman ng bayan sa mga landlord. Habang gutom at lugmok ang magsasaka, may bonus pa ang mga panginoong maylupa,” ani Ramos.

Ang Hacienda Luisita ang simbolo ng kabiguan ng CARP, ayon sa mga magbubukid.

“Sa ilalim ng CARP, deka-dekadang ginawang negosyo ang reporma sa lupa—hindi para tunay na mamahagi ng lupa kundi para magbenta, ipasok sa land conversion at land speculation ang mga lupain,” ayon kay Ramos. “Ang Hacienda Luisita sa ngayon ang ang pinakamalinaw na halimbawa ng kawalan ng intensyon ng administrasyong Marcos Jr na solusyunan ang problema sa lupa.”nagbubungkal nito.”

Katambal ang New Agrarian Emancipation Act (NAEA), lalong lumalawak ang ligal na balangkas ng pang-aagaw ng lupa mula sa mga lehitimong benepisyaryo nito, ayon sa KMP.

“Mas napatunayan din ang pagiging huwad na solusyon ng NAEA sa deka-dekadang sigalot sa lupa dahil sa higit na pagtangi parin nito sa mga panginoong maylupa at mga malalaking negosyo,” ayon sa grupo.

Source link