₱200 dagdag-sahod, maliit na bahagi lamang sa kita ng mga kumpanya

Kayang-kayang ibigay ng mga negosyo sa Pilipinas ang panukalang ₱200 dagdag-sahod para sa lahat ng mga manggagawa sa bansa, ayon sa pananaliksik ng Ibon Foundation. Alinsunod sa pag-aaral ng institusyon, maliit lamang ito na bahagi ng kita ng mga kumpanya. Anito, 11.1% lamang ito sa kita ng malalaking kumpanya, 9.1% ng katamtamang laki, 12.9% ng maliliit, at 15% ng mga “micro” na negosyo. Maaaring suportahan ng gubyerno ang maliliit na negosyo na maaaring mahirapang tustusan ang dagdag na sahod upang hindi maging pabigat ito sa kanila, ayon sa Ibon.

Inilabas ng institusyon ang mga datos na ito sa gitna ng mariing pagtanggi ng dayuhan at malalaking kapitalista na magdagdag ng kahit isang sentimo sa sahod ng mga manggagawa. Muling naglabasan ang pananakot ng mga kapitalista na “mahihirapan” ang maliliit na negosyo, tataas laluna ang mga presyo at mawawala ang maraming trabaho matapos ipasa ng ika-19 Kongreso ang unang batas na magtataas ng minimum na sahod sa halos apat na dekada.

Inaprubahan ng House of Representatives ang House Bill 11376 na nagmumungkahi ng ₱200 dagdag sa araw-araw na sahod ng mga pribadong manggagawa, na may 172 na mambabatas ang bumoto pabor, walang tumutol at isa ang nag-absteyn. Noong nakaraang taon, nauna nang naipasa ng Senado ang bersyon ng batas na nagpanukala ng ₱100 dagdag. Itinuturing na rin ng mga manggagawa ang mga panukalang ito bilang unang hakbang, kahit malayo ito sa hinihingi nilang ₱1200 family living wage (FLW).

Batay sa pagsusuri ng Ibon gamit ang datos mula sa Philippine Statistics Authority noong 2022 Annual Survey of Philippine Business and Industry, ang kumpensasyon sa mga empleyado ay humigit-kumulang 11% lamang ng kabuuang gastos ng mga pormal na negosyo. Noong 2022, umabot sa ₱3.1 trilyon ang kita ng mga negosyo sa Pilipinas, kung saan higit sa kalahati ay mula sa malalaking kumpanya. Ang karagdagang ₱359.8 bilyon na kakailanganin para sa dagdag sahod ay katumbas lamang ng 11.8% ng kabuuang kita sa lahat ng laki ng negosyo.

Anang Ibon, ang pagtaas ng sahod na ito ay magbabalik lamang ng nawalang halaga ng sahod ng mga minimum wage earner sa nakalipas na dekada, kung saan makakakuha sila ng halos 10% na dagdag sa tunay na halaga ng sahod sa pambansang antas. Bagamat may dagdag, nananatiling kulang ang sahod ng ₱559 kumpara sa tinatayang FLW na ₱1,224 sa katapusan ng 2024. Sa gayon, kailangang masundan ang dagdag-sahod na ₱200 para maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga manggagawa.

Binigyang diin ng Ibon na ang dagdag na sahod ay may positibong epekto sa ekonomya dahil mas malaki ang posibilidad na gagastusin ito ng mga manggagawa sa kanilang mga lokal na komunidad. Ang paglalagay ng dagdag na kita sa mga kamay ng manggagawa ay hindi lamang magbibigay ng agarang ginhawa kundi magpapasigla rin sa mas malawak na aktibidad pang-ekonomya.

Source link