₱20 floor price ng sariwang palay, giit ng mga magsasaka sa Nueva Ecija

Naghain ng petisyon ang mga magsasaka sa Barangay San Roque, Guimba sa Nueva Ecija para gawing ₱20 ang floor price o minimum na bilihan ng sariwang palay ngayong Hulyo.

“Kaming mga magsasaka sa Nueva Ecija ay lumagda sa ibaba para igiit ang ₱20 floor price sa sariwang palay dahil sa taas ng gastusin sa binhi, pataba, pestisidyo, gasolina at pagpapa-araro,” nakasaad sa petisyon. Umaabot sa ₱14 kada kilo ang puhunan sa palay ngunit binibili lamang ito ngayong tag-ulan sa ₱10-12 ng mga komersyante.

Ayon sa mga magsasaka, wala silang patuyuan at wala rin silang mga trak para dalhin sa National Food Authority ang kanilang ani. Wala ring suporta na naibibigay sa kanila ang ahensya dahil kulang ang pondo, sasakyan at patuyuan nito para sa naaning palay sa prubinsya.

“Kaya wala kaming magawa kungdi pikit-matang tanggapin ang pambabarat sa aming inani,” ayon sa mga magsasaka. Sinasabi pa sa kanila ng mga komersyante na mababa ngayon ang presyo ng palay dahil mura daw ang ibinebentang bigas ng gubyerno. Hindi sila naloloko sa pagdadahilang ito dahil nananatili sa mataas na presyo ng bigas sa mga palengke.

“Ano ang mangyayari sa buhay naming mga magsasaka? Ano ang mangyayari sa pagsasaka sa ating bayan? Aasa na lamang ba kami sa TUPAD, 4Ps, AICS, ayudang bigas at ayudang gamot?” anila.

Isa sa pinakamalaking prodyuser ng bigas ang Nueva Ecija, at ang Guimba sa partikular. Sa datos para sa unang kwarto noong 2023, nakapag-ani dito ng 345,547 metriko tonelada (MT) ng palay. Binuo nito ang 39.8% ng kabuuang produksyon ng palay sa Central Luzon. Binubuo naman ng Central Luzon ang 18.1% ng pambansang output ng palay.

Noong Hunyo, nagtayo ang NFA ng ₱63.9 milyong Rice Processing System (RPS) II Facility sa Munoz City. Mahigit 19 kilometro ang layo nito sa San Roque, at nakakaserbisyo lamang nang hanggang 6,000 magsasaka. Sa Guimba pa lamang, mayroong tinatayang 7,500–15,000 magsasaka.

Liban sa ₱20 na floor price, hiniling din ng mga magsasaka na ibasura ang Amended Rice Tariffication Law (RA 12078) dahil anila’y “itinutulak lamang nito ang gubyerno na umasa sa agrikultura ng ibang bansa para sa pangangailangan ng mga Pilpino.”

Source link