Ang Bayan Ngayon » Mga biktima ng human trafficking sa Cambodia, kinundena ang kawalan ng tulong ng gubyerno

Nagpahayag ng pagkundena ang mga biktima ng human trafficking sa Cambodia sa kawalan ng hustisya at kapabayaan ng gubyerno sa kanilang sinapit sa ginanap na media forum ng grupong Migrante International noong Hulyo 19. Kabilang sa mga nagsalita sa media forum sina Reverend Gerald ng united Methodist Church at Churches Witnessing With Migrants-Philippines at Liza Maza, dating kinatawan ng Gabriela Women’s Party at nangungunang mambabatas ng Anti-Trafficking in Persons Act.

Matatandaang unang naglunsad ng press conference ang Migrante International kasama ng 10 pamilya ng mga biktima ng scamhub sa Cambodia noong Abril 21 upang ipanawagan ang pagpapauwi sa mga biktima at hustisya mula sa kanilang sinapit. Nakauwi ang mga biktima sa Pilipinas noong Abril, Hunyo at nitong Hulyo 15.

Sa media forum, kinuwento ng mga biktima ang kanilang karanasan pagdating sa Cambodia, ang malupit at di makataong pagtrato sa kanila, pagtakas sa sitwasyon hanggang sa paghingi nila ng pagsaklolo sa gubyerno para makauwi sa Pilipinas.

Mayorya sa mga biktima ay nahikayat online na magtrabaho bilang customer service representative (CSR) sa Cambodia na may sahod na $700 kada buwan. Ngunit pagdating nila sa bansa ay ipinasok sila sa trabaho na nagpapalaganap ng mga scam, na ang target ay mga Pilipino sa US.

Ayon sa mga biktima, pag hindi nila ginawa ang kanilang trabaho ay sinasaktan at pinapahiya sila ng kanilang mga amo. Pinakamalala nilang dinanas ang tortyur at pagkukuryente. Ang ibang manggagawa ay binebenta sa ibang kumpanya oras na hindi na sila ‘mapakinabangan’ ng kanilang amo. Kwentro nila, may dalawang silang Indian na katrabaho na pagkatapos itortyur ay plano sanang ilibing nang buhay ng sindikato ngunit mapalad na nakatakas. Kinakaltasan din ang kanilang sahod tuwing sila ay nagkakamali o inaantok sa trabaho.

Sa tulong ng katrabaho nila na Indian, nakahiram ng cellphone ang isa sa mga biktima at nakahingi ng tulong para masaklolohan sila ng embahada ng Pilipinas.

Salaysay ni Will, isa sa mga biktima, pinatawag siya ng kanyang amo at pinapaamin sa kung kung sino ang nagsumbong. “Sabi niya, pag di ako umamin, papatayin niya ako sa room na yun. ‘Tas pinaghubad ako, akala ko kukuryentehin nila ako kasi may nilabas sila na gamit pangkuryente. Nung wala makuha sa akin, kinulong nila ako sa isang kwarto. Pagkalipas ng ilang oras, dumating na ang mga pulis at dinala kami sa immigration,” kwento niya.

Akala nila, dadalhin sila sa Philippine Embassy ng mga pulis. Sa halip ay dinala sila sa kulungan, ang iba ay sa immigration office ng Cambodia. Kalaunan ay dinala sila sa Removal Center kung saan kriminal ang trato sa kanila. Pinahiga sila sa karton, walang tubig at pagkain, walang maayos na pasilidad, limitado ang komunikasyon sa labas at hindi pwedeng lumabas. Nagtagal sila sa ganitong mga pasilidad nang isa hanganggang dalawang buwan bago nakauwi. Sa kasalukuyan, may mga Pilipino pang nakakulong sa mga pasilidad na ito.

Nang makahingi sila ng saklolo sa embahada ng Pilpinas, lumipas pa ang ilang araw bago sila napadalhan ng pagkain at mga gamit tulad ng unan, sabon at toothbrush.

“Nung pauwi na kami, dinala kami sa airport na nakaposas. Di namin maintindihan bakit kami nakaposas, wala naman kaming planong tumakas, ang gusto lang namin ay makauwi,” kwento ni Dennis.

Nang makauwi na ang ilan sa kanila, may nag-abiso na may sasalubong sa kanila na upisyal ng gubyerno para i-welcome sila. Pero pagdating nila sa paliparan ng Pilipinas ay walang sumalubong sa kanila. Mula pag-alis nila sa Cambodia hangang makauwi sa Pilipinas ay tanging tinapay at tubig lamang ang ibinigay sa kanila na pagkain.

Nagsalita rin sa press conference si Tatay Ferdinand, na may anak sa nailigtas sa scam hub subalit nakakulong pa sa Cambodia. Aniya, walang plano ang DMW paano pauuwiin ang kanyang anak. Noong Hulyo 17, tumawag umano ang embahada ng Pilipinas sa kanyang anak para sabihin na sasagutin nila ang kanyang pagkain ngunit walang balita kung kailan siya makauuwi. Wala ring dumadalaw sa mga biktima sa kulungan mula sa embahada upang tingnan ang kanilang kalagayan.

“Walang malasakit ang ating gubyerno at hindi nila ginigiit sa gubyerno ng Cambodia na biktima ang ating kababayan. Walang krimen na ginawa ang ating kababayan pero kinulong sila ng mahabang panahon, at linawin natin na walang sinampang kaso laban sa kanila. Walang ligal na batayan para sila ay ikulong sa Cambodia,” pahayag ni Josie Pingkihan, pangalawang tagapangulo ng Migrante International.

“Wala bang kahihiyan ang gubyernong Marcos sa pagpapabaya nito sa mga biktima ng human trafficking? Napakabagal ng Philippine embassy sa pagbibigay ng pagkain, tubig, at iba pang essentials sa mga detenidong biktima. Mas mabagal pa sila sa pagproseso ng kanilang repatriation. Paano pa kaya ang ating kahilingan para sa hustisya” dagdag ni Pingkian.

Nagpaabot ng pakikiisa sir Reverend Gerald at nagpahayag ng dasal, aniya marami ang naghihirap, kapos sa edukasyon at kulang ang sahod dahil sa kasakiman ng iilan. “Nawawala ang likas na dignidad ng isang tao dahil sa pang-aalipin. Nanawagan kami na wag gawing kalakal ang mga Pilipino, tama na ang pagpagpapahirap, tugunan na ang pangangailangan ng bayan.”

Nanawagan naman si Liza Maza ng imbestigasyon sa Kongreso hinggil sa human trafficking sa Cambodia. Ayon sa nakalap na impormasyon, may mga upisyal ng Bureau of Immigration ang imbwelto sa sindikato na nagpapatakbo sa scam hub.

“Tatlong beses nabibiktima ang ating mga kababayan. Una, lumabas sila ng bansa dahil biktima sila ng kahirapan. Pangalawa, biktima sila ng mga recruiter at mga sindikato na pinagkakitaan ang ating mga kababayan. Pangatlo, ng kapabayaan ng gubyerno tulad ng sa kaso nila, nagsumbong na, hindi pa rin inaksyunan, walang medical assistance at financial support.”

Panawagan ng mga biktima at mga grupo sa rehimeng Marcos ang agarang pagpapauwi sa lahat ng mga Pilipino na nasa mga scam hub, agarang paglipat ng mga Pilipino mula sa Cambodian Detention Center sa bahay-kanlungan, pinansyal at medikal na tulong para sa mga biktima, at hustisya para sa lahat ng biktima ng human trafficking.

Bitbit ng grupong Migrante at lahat ng myembro nito na organisasyon sa buong mundo ang panawagan ng hustisya para sa mga biktima sa Cambodia sa darating na pagkilos sa State of the Nation Address ni Marcos Jr. sa Hulyo 28.

Source link