Mariing kinundena ng Karapatan ang demolisyon at sapilitang pagpapalayas sa mga Mangyan-Iraya sa Sitio Malatabako, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Hunyo 1, na isinagawa ng Pieceland Corporation. Ayon sa ulat, binaklas at winasak ang natitirang 14 bahay ng mga katutubo.
“Kinukundena namin ginagawang pananakot, pagkakait ng kabuhayan, pagbabanta, at iba pang anyo ng pamimilit ng Pieceland upang mapaalis sila sa kanilang lupa. Ikinagagalit din namin ang kawalan ng respeto sa mga katutubo, na mismong nagsabi na hindi sila kinonsulta. Sa simula pa lamang, may karapatan sila na manatili sa lupang deka-dekadan nang binubungkal ng kanilang komunidad,” pahayag ni Cristina Palabay, kalihim-heneral ng KARAPATAN.
“Kinuha nila ang poso namin na pinagkukuhanan namin ng tubig. Ang sabi nila sa amin ay lumabas na kami, tapos ang gamit namin ay tinapon na sa kalsada,” pahayag ni Nanay Tessie, isa sa mga residente ng Sitio Malatabako.
Ayon sa Karapatan, ang sitwasyon ng Mangyan-Iraya ay hindi hiwalay na kaso kundi bahagi ng mas malawak na padron ng pang-aagaw ng lupa, sapilitang pagpapalayas, at pag-atake sa mga katutubong komunidad sa buong bansa. Nagpahayag ng pagkabahala ang grupo sa dumaraming kaso ng demolisyon sa mga komunidad ng maralitang lungsod at sa kanayunan.
Sa loob ng halos dalawang taon, walan patid ang paninira sa kanilang mga pananim, pagharang sa kabuhayan, pananakot, at sapilitang pagpapalayas sa katutubong Mangyan. May mga kaso rin ng arbitraryong pag-aresto, tortyur, at detensyon, kabilang ang pagdakip sa “Iraya 32.” Halos kalahati ng grupong ito ito ay menor de edad.
Iniulat ng mga residente ang paulit-ulit na pagpapatawag sa kanila nilang “taga-labas” ng militar at pulis kahit matagal na silang naninirahan sa Sitio Malatabako. Ito ay para pahinain ang kanilang karapatan sa lupang ninuno. Maraming residente ang nahirapan na maghanap ng trabaho matapos na mapalayas sa kanilang lupang sinasaka at tirahan. Ayon sa mga residente, madalas silang tinatanggihan o pinapaalis kapag nalalaman ng mga employer na sila ay mula sa Sitio Malatabako.
Sa halip na tugunan ang sapilitang pagpapalayas at demolisyon, ginagamit ng estado ang Red-tagging upang siraan ang mga organisasyon tulad ng Defend Mindoro at Mindoro Youth for Environment and Nation na sumusuporta sa Mangyan-Iraya. Nagpakalat din ang NTF-ELCAC ng disimpormasyon at pag-atake laban sa mga lider at tagapagtanggol ng lupa. Isa rito si Noli Tamisan, isang Mangyan-Iraya.
“Sa pamamagitan ng malawakang pagdeploy ng militar, Red-tagging, arbitraryong pag-aresto, tortyur, at iba pang pag-atake, nais nilang lumikha ng klima ng takot at panunupil upang mapilit ang mga komunidad na tanggapin ang pagpasok ng mga korporasyon at ang pag-agaw sa lupang ninuno at mga likas-yaman. Ang lupa ay buhay para sa mga katutubo. May dahilan silang lumaban,” paliwanag ni Palabay.
Nananawagan ang mga katutubo at residente ng Sityo Malatabako ng agarang pagpapatigil sa pagsira sa kanilang mga tahanan at sapilitang pagpapalayas sa mga pamilyang katutubo. Gayundin, ang agarang pag-papalayas sa Pieceland Corporation mula sa lupang ninuno ng Mangyan-Iraya. Protektahan at at kilalanin ang karapatan sa lupang ninuno ng Mangyan-Iraya.











