Umabot na sa 130 ang naitalang namatay na manggagawa dahil sa mga aksidente at insidente sa mga pagawaan mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, ayon sa Institute for Occupational Health and Safety Development (IOHSAD). Ang 31 dito ay sa loob lamang ng isang buwan.
Muling nabigyan ng pansin ang nakababahalang estadistikang ito matapos ang bagong trahedya: ang pagsabog sa Armscor Global Defense Inc. sa Marikina, kung saan dalawang manggagawa ang nasawi at isa pa ang sugatan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Explosive Ordnance Division–K9 Unit, nag-ugat ang insidente sa pag-init at pagkikiskisan ng mga materyales na nagdulot ng static discharge, na siyang nagpaliyab ng bahagi ng produktong “primer.” Pangalawang insidente na ito ng pagsabog sa naturang planta, makaraang isang kaparehong trahedya rin ang maganap noong Pebrero 2024 na ikinasugat ng ilang trabahador.
“Ang pagka-expose ng mga manggagawa sa nakamamatay na risgo ay di dapat ituring na ‘normal lang,’ laluna sa mga delikadong industriya…tulad ng armas at bala. Mas malaki ang responsibildid ng mga kumpanya dito para tiyakin ang buhay, kalusugan, at kaligtasan ng mga manggagawa,” ayon sa IOHSAD.
Ayon sa IOHSAD, hindi sapat ang pagkilala o paghingi ng paumanhin sa trahedya. “Kailangan na may napapanagot,” ayon sa grupo. “Hindi sapat na kilalanin lamang ang insidente.” Kailangan nating imbestigahan kung may paglabag sa mga pamantayan sa kalusugan at kaligtasan. Kung may pagpapabaya, kailangan mapanagot ang kumpanya.”
Dahil sa dumaraming bilang ng namamatay na manggagawa, kabilang na ang trahedya sa Armscor at minahan sa Nueva Vizcaya, muling iginigiit ng IOHSAD ang mas mahigpit na batas at parusa, kabilang ang gawing kriminal ang malulubhang paglabag sa pamantayang OSH para maiwasan ang pagdami ng mga biktima at mabigyan ng hustisya ang mga naulila.
Ayon naman sa Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), “Hindi basta-basta napapalitan ang buhay ng mga manggagawa, walang dapat namamatay para lamang kumita,” ayon sa CTUHR. “Hindi dapat maging estadistika lamang o maliitan bilang mga isolated na pangyayari (ang mga aksidente), humihingi ito ng aksyon, hustisya at makabuluhang pagbabago.”
Noong nakaraang taon, muling napabilang ang Pilipinas sa listahan ng mga pinakamasahol na bansa para sa mga manggagawa, sa ikasiyam na sunod-sunod na taon ayon sa pinakahuling ulat ng International Trade Union Confederation (ITUC) Global Rights Index 2024.